Isinagawa ang huling araw ng Field Verification of Onion Production, Distribution Performance at Assessment of DA Interventions sa Bongabon, Nueva Ecija, nitong ika-17 ng Enero.Matapos ang pagbisita upang mamonitor ang kalagayan ng produksyon at distribusyon ng sibuyas sa probinsiya ng Tarlac, kinabukasan ay agarang nagtungo ang Department of Agriculture – Office of the Secretary (DA-OSEC) Monitoring Team, High Value Crops Development Program (HVCDP) Central Office kasama ang Regional HVCDP ng Gitnang Luzon sa Nueva Ecija.

Pinangunahan itong muli ni Project Evaluation IV Julito D. Velasco ng DA-OSEC kasama sina Project Development Officer IV Jose Jeffrey D. Rodriguez, Project Development Officer IV Arnold B. Timoteo, MPA at Project Development Officer II Geronimo Dela Cruz na pawang mula sa HVCDP Central Office at Agriculturist 1 Glarissa Balbares na mula naman sa HVCDP Regional Office.Bago simulan ang monitoring ay nagtungo muna ang mga ito sa Office of the Provincial Agriculturist sa Palayan City na pinamumunuan ni Provincial Agriculturist Bernardo Valdez upang magkaroon ng courtesy call.

Layunin ng aktibidad na ito na malaman kung gaano kalawak ang tinaniman ng sibuyas at kung gaano karami ang inaasahang maaani laban sa aktuwal na inaani.Ito ay paraan ng kagawaran upang malaman kung hanggang saan ang kayang i-prodyus ng mga magsasaka ng sibuyas para mapunan ang pangangailangan ng mga konsyumer.Binisita ng mga ito ang ilan sa mga sakahan ng sibuyas sa Barangay Tugatug at Pesa sa bayan ng Bongabon sa tulong ni Provincial HVCDP Report Officer Marlon Aleman Jr. ng Nueva Ecija at Municipal Agriculturist Officer ng Bongabon na si Jackielou Gallarde.

Bilang isa sa pinakamalaking supplier ng lokal na sibuyas sa bansa, tinukoy rin ng monitoring team kung ano ang kasalukuyang farm gate price matapos lumipad ang presyo nito sa merkado ngayong pagpasok ng taong 2023.

Matapos makausap ang ilan sa mga magsasaka ng sibuyas at aktuwal na makita ang kalagayan ng produksiyon at distribusyon ng mga ito ay sunod namang pinuntahan ang Onion Cold Storage Facility na nagsilbing Intervention ng HVCDP sa Valiant Multi-Purpose Cooperative na binubuo ng mga magsasaka ng sibuyas na pinamumunuan ngayon ni Luchi Zeña.

#DAsaGitnangLuzonKatuwangsaPagAhon