Sa pangunguna ng Planning, Monitoring and Evaluation Division (PMED), nagsagawa ng pagpupulong ang Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon (DA) sa mga Agriculture and Fishery Council Coordinators (AFCs) nitong ika-25 ng Enero sa TEC Building, CLIARC Upland, Sto. NiƱo, Magalang, Pampanga.

Dinaluhan ito ng Hepe ng PMED at tumatayong Regional Agriculture and Fishery Council (RAFC) Executive Officer Noli Sambo, Planning Officer lll at RAFC Coordinator Lordelyn Dela Cruz, RAFC Chairperson Engr. Francisco Hernandez, at mga AFC Coordinators mula sa pitong lalawigan ng Gitnang Luzon.

Layunin ng pagpupulong na mabigyan ng kaalaman ang mga AFC coordinators mula Provincial hanggang Municipal patungkol sa Omnibus Guidelines on Agricultural and Fishery Council Engagement o OGAFCE ng Philippine Council for Agriculture and Fisheries at maibahagi ang mga programa at proyekto ng DA sa mga bagong coordinators.Sa pagsisimula, inilatag ni Sambo ang iba’t-ibang programa at proyekto ng Kagawaran at ang mga naisakatuparang target nito para sa taong 2021-2022.

Isa sa mga naibahagi ni Sambo ay ang pangunguna ng Gitnang Luzon sa kontribusyon ng palay sa bansa na tinatayang nasa 19% 2021 National Contribution o humigit kumulang 3.8M metro toneladang produksyon. Nabanggit din nito na ipagpatuloy ang paghihikayat sa mga magsasakang magrehistro sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture o RSBSA sapagkat dito nagmumula ang basehan ng Kagawaran sa mga binibigyan ng tulong.

Ibinahagi naman ni Hernandez ang naibibigay ng tulong ng RAFC sa mga magsasaka at mangingisda. “Naitatag ang RAFC na binubuo ng private o non-government organizations na ang mandato ay tumulong sa mga programa ng DA tungkol sa monitoring at evaluation sa mga proyekto ng DA kung ito ay tumutugma o akma sa pangangailangan ng magsasaka at mangingisda”, sambit ni Hernandez. Kasunod nito, inilahad naman ni Dela Cruz ang tungkulin at pananagutan ng mga AFC Coordinators na nakaayon sa Omnibus Guidelines on the Engagement of the Agricultural and Fishery Council.

“Ang AFC ang dapat maging boses at tulay sa ating management para maibigay talaga sa mga farmers and fisherfolk kung ano ang mga proyekto na kailangan nila,” saad ni Dela Cruz. Sa huli, ibinahagi naman ni RAFC Secretariat Amelia Ferrey ang mga sunud-sunod na hakbangin para sa documentary requirements sa mga AFC Claims mula sa Kagawaran.

#DAsaGitnangLuzonKatuwangSaPagAhon