Matagumpay na naisagawa ng Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon ang isang pagsasanay at oryentasyon patungkol sa Philippine Good Agricultural Practices o PhilGAP noong ika-3 ng Pebrero sa Elora Agri-Tourism and Technical Skills Training Center, Inc., Bongabon, Nueva Ecija.

Nasa 30 magsasaka mula sa lalawigan ng Nueva Ecija ang sinanay sa pangunguna ng Regional GAP Team ng Regulatory Division katuwang ang Office of Provincial Agriculture.

Ang PhilGAP ay isang kasanayan ng pagtatanim na resulta ng ligtas at mataas na kalidad na produktong agrikultura.

Layunin nito na maiwasan ang panganib dulot ng mikrobyo, hindi tamang paggamit ng pestisidyo at iba’t ibang uri ng kontaminasyon; matiyak ang kalusugan at kapakanan ng mga magsasaka at komunidad; at maituro ang paggamit ng tamang kemikal sa sakahan.

Ito ay batas upang mapangalagaan at maisulong ang malinis at ligtas na pagkain mula sa produksyon, pagpoproseso, pagbebenta sa merkado hanggang sa pagkonsumo ng mga Pilipino.

Binibigyan ng sertipikasyon at pagkilala ang mga magsasakang nakapapasa sa nasyonal at internasyonal na pamantayan sa kaligtasan ng gulay, prutas at ibang pang produktong pang-agrikultura.

#DAsaGitnangLuzonKatuwangsaPagAhon