Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang paglulunsad ng unang Kadiwa ng Pangulo sa Gitnang Luzon sa Limay, Bataan nitong ika-31 ng Marso.

Mabibili rito ang ilang produkto sa abot-kayang halaga tulad ng bigas, gulay at iba pang pangunahing pangangailangang hatid ng mahigit 70 samahan at kooperatiba ng mga magsasaka mula sa iba’t ibang lalawigan ng ikatlong rehiyon na nakilahok sa aktibidad.

Ang Kadiwa ng Pangulo ay nabuo sa pagtutulungan ng Department of Agriculture (DA), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Interior and Local Government (DILG) at Local Government Units (LGUs).

Layunin nitong makapagbenta ng pagkain at produkto sa mga mamimili nang mas mura. Magsisilbing lugar din ito para mahikayat ang mga Pilipinong tangkilikin ang lokal na mga produkto at ani ng mga magsasaka, mangingisda at micro, small and medium enterprises (MSMEs).

Sa naging talumpati ng Pangulo, kaniyang binigyan ng direktiba ang mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan na palawigin pa ang saklaw ng Kadiwa ng Pangulo sa bansa.

Dahil dito, sinabi rin ng Pangulo na dapat pagtuunan ng gobyerno ang pagpapabuti ng produksyon sa agrikultura at bawasan ang pag-aasa sa importasyon upang mapanatili ang presyo ng mga pangunahing bilihin.

“Dahan-dahan naming inaayos ang agricultural sector dahil napakalawak nito. Dahan-dahan ay nagiging mas maganda naman ang tinatawag na value chain para sa ating mga magsasaka kaya’t ang dulo niyan ay ang Kadiwa,” saad ni Pangulong Marcos.

Sa ngayon, higit sa 500 na Kadiwa ng Pangulo outlets na ang inilunsad sa buong bansa upang magbigay ng pagkakataon sa mga magsasaka at mangingisda, pati na rin sa mga negosyanteng MSMEs na kumita sa pamamagitan ng direktang pamilihan mula sa mga magsasaka patungo sa mga mamimili.

Inihayag naman ni Limay Vice Mayor Richie Jason David sa nasabing aktibidad na nag-uumapaw ang kanilang kagalakan at isang karangalan para sa kanilang bayan na mabisita sila ng Pangulo. Aniya, buo ang kanilang katapatan at suporta para sa programang ito.

Samantala, ayon kay DA RFO 3 KADIWA Trade Fair Focal Person Carmencita Nogoy, ang unang Kadiwa ng Pangulo na ito sa Gitnang Luzon ay nakalikom ng humigit-kumulang Php 1.6-milyong kabuuang benta sa isang araw lamang na paglunsad nito.

Ito ang una sa mga naging aktibidad ng Pangulo sa kaniyang pagbisita sa Bataan.

#DAsaGitnangLuzonKatuwangsaPagAhon