Nagsagawa ang Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon (DA RFO 3) sa pangunguna ng Regional 4Ks Program o Kabuhayan at Kaunlaran ng Kababayang Katutubo (DA 4K) at National Commission on Indigenous People (NCIP) Bataan Service Center ng ICCs/IPs Needs Assessment, Technology Training for High Value Crops Production and Market Management Training sa Abucay, Bataan nitong ika-17 hanggang 18 ng Abril.

Ito ay para sa mga katutubong magsasaka ng Hamaang Ayta Magbukun Manggagahak Bangkal Abucay (HAMMBA), isang samahan na binubuo ng mahigit 150 miyembro ng katutubong aeta sa Brgy. Bangkal, Abucay, Bataan.

Ang pagsasanay na ito ay naglalayong turuan at suportahan ang ating mga minamahal na katutubo na magkaroon ng produktibo, ligtas, at sustenableng kabuhayan. Magbibigay din ito ng mahalagang kasanayan at kaalaman upang sila ay matulungan na mapabuti ang kanilang kalagayang pang-ekonomiya, mapanatili ang kanilang kultura, at magtayo ng mas malakas na komunidad.

Sa kanyang mensahe, ipinakilala ni G. Memito Luyun III, ang Focal Person ng Regional 4Ks Program, ang programang DA 4K sa mga miyembro ng samahan. Ayon sa kaniya, ito ay isang espesyal na programa na nilikha para matugunan ang pangangailangan ng mga katutubo nang mapabuti ang kanilang kalagayan sa lipunan. “Hangad po namin na inyong pahalagahan at pagyamanin ang mga tulong na ipagkakaloob po namin sa inyong samahan,” saad pa nito.

Sa nasabing aktibidad, nagkaroon ng talakayan tungkol sa pagpaparehistro sa RSBSA. Isinagawa rin ang pagtaya ng mga pangangailangan para sa pagsasaka ng naturang pangkat ng mga katutubo.

Nagkaroon din ng diskusyon tungkol sa Magna Carta of Women, Rabies Awareness, Market Management, at pagsasanay sa pagtatanim ng organikong gulay at produksyon ng saging.

Naging bahagi ng aktibidad bilang tagapagsalita sina NCIP Bataan Service Center Tribal Affairs Assistant II Rebecca Reyes, DA RFO 3 Integrated Laboratories Division Chief Dr. Milagros Mananggit, Dr. Agatha Pauline De Leon ng Provincial Veterinary Office ng Bataan, DA RFO 3 AMAD Agriculturist II Jinky Ciriaco, Regional 4Ks Project Assistant Stephen Miclat, at Municipal Agriculturist Eraño Marabe.

Lubos naman ang pasasalamat ng presidente ng HAMMBA na si Rosita Sison sa pagkakataong ito na ipinagkaloob sa kanila upang madagdagan ang kanilang mga kaalaman. “Nawa ay maging matagumpay po ang bawat proyekto na ipagkakaloob ninyo sa amin. At mamahalin namin kung ano man po ang mga biyayang manggagaling sa inyo. Maraming salamat po,” wika nito.

#DAsaGitnangLuzonKatuwangsaPagAhon