Iginawad ng Kagawaran ng Pagsasaka (DA) para sa Gitnang Luzon ang Greenhouse with Hydroponics sa Bausa Integrated Farm (BIF) noong ika-30 ng Mayo sa Barangay Gabihan, San Ildefonso, Bulacan.
Sa ilalim ng National Urban and Peri-Urban Agriculture Program (NUPAP), ito ay opisyal na isinagawa sa isang ribbon cutting at turnover ceremony.
Sa kabuuan, nagkakahalaga ng Php 927,775.85 ang pasilidad na tinanggap ni BIF Chairperson Luis Bausa.
Naging saksi sa aktibidad sina NUPAP National Coordinator Aster Paglinawan, Regional Technical Director for Operations and Extension Dr. Eduardo Lapuz, Jr., Provincial Governor Daniel Fernando, Field Operations Division Chief Elma Mananes, Engr. AB David at Provincial Agriculturist Gigi Carillo.
Binuo ang NUPAP upang mas madagdagan ang suplay ng produksyon ng gulay, maisulong ang masustansiyang pagkain ng gulay at makapagbigay kontribusyon sa lokal na ekonomiya, integrasyong panlipunan at pag-aalaga sa kapaligiran.
Ang greenhouse with hydroponics ay isang makabagong pasilidad na ginagamit sa modernong pamamaraan ng urban farming. Ito ay paraan ng pagtatanim ng mga halaman na gumagamit ng mineral na solusyon sa tubig.