Ibinida ng lalawigan ng Nueva Ecija ang kanilang kinatawan para sa 2023 Department of Agriculture Search for Outstanding Rural Women ngayong araw, ika-20 ng Hunyo.
Ito ay naganap sa regional field validation sa pamamagitan ng Gender and Development (GAD) Focal Point System ng Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon.
Ilan lamang sa layunin nito ay ang mabigyan ng tamang pagkilala ang kagalingan at kahusayan ng bawat kababaihan sa bansa lalong lalo na ang mga nagbigay kaunlaran sa pagsasaka at pangingisda.
Kinilala si Valen Pacol mula sa Bayan ng Nampicuan bilang representante ng Nueva Ecija. Kaniyang ipinamalas ang pagiging malikhain, mga kontribusyon at pagpapagal para makatulong sa kanilang komunidad at ang pagbibigay kahalagahan sa sektor ng agrikultura.
Magsisilbing modelo sa publiko ang kanilang kuwentong ibabahagi na kapupulutan ng aral at inspirasyon.
Inaasahang ang mananalo sa kompetisyon ay makakasama para national level at magiging kinatawan ng Gitnang Luzon.
Saksi sa aktibidad sina GAD Focal Person Dr. Milagros Mananggit, GAD Head Secretariat Zayra Toledo at Rica Salas, GAD Secretariat Imariole Tayag at FOD staff Evelyn Villafane na nagsilbing field validators.