Nagsagawa ng paglagda ng Memorandum of Understanding (MOU) sa pagitan ng Kagawaran ng Pagsasaka sa Gitnang Luzon sa ilalim ng High Value Crops Development Program (HVCDP) at Kapampangan Development Foundation, Inc. (KDFI) noong ika-22 ng Hunyo na naganap sa Barangay Maliwalu, Bacolor, Pampanga.
Ang nasabing aktibidad ay dinaluhan ng kinatawan ng rehiyon na sina Regional Executive Director Crispulo G. Bautista, Jr., Regional Technical Director for Operations and Extension and AMAD Dr. Eduardo Lapuz, Jr., Regional High Value Crops Development Program Focal Person Engr. AB David at outgoing Agribusiness and Marketing Assistance Division Chief Fernando Lorenzo. Samanatala, sina President Benigno Ricafort at Executive Director Sylvia Ordoñez naman ang kumatawan sa KDFI.
Ang Memorandum of Understanding ay naglalayon na makipagtulungan sa private stakeholder KDFI na pataasin at ipagpatuloy ang produksyon ng kalidad at malinis na bungang kahoy na napapabilang sa HVCDP, ibahagi sa ibang magsasaka ang kaalaman at impormasyong makakapagpataas ng kanilang kita at paigtingin ang nasimulang samahan. Ang pagpirma sa MOU ng bawat partido ay nagsilbing pagsang-ayon na magkasamang isasagawa ang mga programang susuporta sa mga magsasaka kalakip ng pagsasaalang-alang ng mga kondisyon na nakapaloob dito.
Inilibot rin ni Executive Director, KDFI Ordoñez ang mga kinatawan ng Kagawaran sa mga pasilidad at lupain na mayroon ang KDFI.