Personal na nasaksihan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang makasaysayang seremonya ng paglagda ng Memorandum of Agreement (MOA) para sa pagpapalawak ng KADIWA ng Pangulo sa mga lokal na pamahalaan (LGUs) sa buong bansa sa kanyang pagbisita sa Siyudad ng San Fernando, Pampanga nitong ika-17 ng Hulyo.
Ito ay ginanap sa Pampanga Provincial Capitol na nagpapakita ng pagkakaisa at determinasyong iangat ang buhay ng mga magsasaka at makapagbigay ng produkto sa mga mamamayan sa abot-kayang halaga upang magdulot ng kasaganaan sa buong bansa.
Layunin ng MOA na ito na pagtibayin ang kooperasyon ng mga LGU at mga ahensya ng pamahalaan upang paramihin pa ang mga outlet ng KNP sa bansa at maitaguyod ang pangmatagalang suporta para sa programa.
Kabilang sa mga lumagda sa MOA ang mga kinatawan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, kasama ang Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Trade and Industry (DTI), Presidential Communications Office (PCO), at Presidential Management Staff (PMS). Bilang kinatawan ng Department of Agriculture (DA), kasama sa paglagdang ito si Senior Undersecretary Domingo Panganiban.
Kasunod ng paglagda ng nasabing MOU, pinamunuan ni Pangulong Marcos Jr. ang pamamahagi ng iba’t ibang tulong mula sa pamahalaan, kabilang na ang mga tulong mula sa DA.
Sa pamamagitan ng programang Enhanced KADIWA, tinanggap ng Sta. Ana Agricultural Multipurpose Cooperative ng Sta. Ana, Pampanga ang mga proyektong nagkakahalaga ng P6.8 milyon, kasama na rito ang delivery vehicle, trading capital, hauling vehicle, at renovation ng warehouse. Tinanggap naman ng Madasig Farmers Association Inc. ng Candaba, Pampanga ang working at trading capital at isang hauling truck na nagkakahalaga ng P4.2 milyon. Trading capital at hauling truck naman na nagkakahalaga ng P2.2 milyon ang tinanggap ng Vizal Sto. Niño Rice and Livestock Farmers Association na mula rin sa Candaba, Pampanga.
Ipinagkaloob sa Provincial Government of Pampanga ang mga proyektong Rice Processing Complex, Rice Processing System III, Four (4) units of Four-wheel Drive Tractor at Four (4) units of Rice Precision Seeder na may kabuuang halaga na P134.2 milyon. Ito ay naging possible sa pamamagitan ng Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMech) at DA Rice Program.
Samantala, nakibahagi ang lalawigan ng Pampanga sa sabay-sabay na paglulunsad ng KADIWA ng Pangulo sa buong bansa na siya rin namang pinangunahan ni Pangulong Marcos Jr. Ito ay inilunsad sa provincial capitol grounds ng lalawigan at nakibahagi rito ang 42 samahan ng mga magsasaka sa Pampanga tampok ang kanilang mga produkto sa abot-kayang halaga tulad ng bigas, asukal, gulay, at prutas.