Isinagawa ng Kagawaran ng Pagsasaka sa Gitnang Luzon ang Agency In-House Review 2023 noong ika-3 hanggang ika-4 ng Agosto, sa ROS Upland, Magalang, Pampanga.
Ang programa ay pinangunahan ni Regional Technical Director ng DA RFO 3, Dr. Arthur D. Dayrit, Chief of Research Division, Dr. Irene M. Adion, at RAFC Chairperson, Onesimo Romano, katuwang ang DA RFO3 Research for Development Division (R4DD).
Sa aktibidad ay isa-isang ibinahagi ng bawat representante mula sa R4DD ang kanilang mga papel na may kaugnayan sa pagpapaunlad, inobasyon, pagtuklas, at pagpapataas pa ng kalidad ng serbisyo ng Department of Agriculture (DA) para sa mga magsasaka.
Nagsilbi naman bilang panelist sa dalawang araw ng Agency In-House Review sina Associate Professor II, Dr. Imee D. Esguerra ng Bulacan Agricultural State College, Associate Professor I, Dr. Rogelio P. Carandang, Jr. ng Pampanga State Agricultural University, at Senior Science Research Specialist/ Career Scientist I, Dr.Jayvee A. Cruz-Kitma ng PhilRice.
Sa kabuuang bilang na 15 na papel na isinumite para sa nasabing In-House Review, kabilang dito ang 10 completed research paper category, 2 on-going research paper category, 2 completed development category, at 1 on-going development category.
Ginawaran bilang best paper para sa completed research category ang pag-aaral na may pamagat na “Different Nutrient Management Practices on the Growth and Yield of NextGen Varieties Under Lowland Irrigated Ecosystem” sa pangunguna ni Bryan R. Cruz na nakakuha ng kabuuang marka na 90.33%.
Itinanghal din bilang best paper para sa completed development category ang pag-aaral na may pamagat na “Productivity Enhancement of Onion (Shallot and Multiplier) Growers Through Technology Adaptation and Participatory Approach in Selected Areas of Nueva Ecija” sa pangunguna ni Jerome M. Gumangan na nakakuha naman ng markang 94.33%.
Dumalo sa programa ang iba’t ibang research presentor mula sa Research Outreach Station (ROS) for Upland, Lowland, Lahar Areas and Hilly Land Development.