Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pamamahagi ng iba’t ibang tulong mula sa pamahalaan para sa mga naapektuhan ng habagat bunsod ng Bagyong Egay at Falcon sa Pampanga nitong ika-7 ng Agosto sa Bren Z. Guiao Convention Center, City of San Fernando, Pampanga.
Isa ang Kagawaran ng Pagsasaka (DA) sa mga ahensyang namahagi ng tulong partikular na sa mga magsasakang nasalanta ng nagdaang kalamidad.
Kabilang sa mga ipinagkaloob ng DA sa lalawigan ang 13,354 bags of certified rice seeds para sa 8,723 na magsasaka, 185 bags of hybrid yellow corn at 15 bags of open pollinated variety corn seeds para sa 154 na magsasaka, at assorted vegetable seeds para naman sa 162 na magsasaka. Ang lahat ng ito ay nagkakahalaga ng ₱21.7 milyon.
Sa naturang aktibidad ay nagkaroon din ng pamamahagi ng tulong pinansiyal para sa 100 lehitimong magsasaka mula sa San Simon, San Luis, Mexico, at Sta. Ana. Ito ay sa pamamagitan ng Rice Competitiveness Enhancement Fund – Rice Farmers Financial Assistance (RCEF-RFFA) kung saan sila ay nakatanggap ng ₱5,000 na ayuda na maari nilang magamit sa pagbili ng mga kagamitang pangsaka.
Samantala, ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay namahagi ng food packs at ₱10,000 tulong-pinansiyal para sa 1,000 benepisyaryo ng programang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS).
Ang Department of Labor and Employment (DOLE) ay nagbigay din ng tulong-pinansiyal na nagkakahalaga ng ₱2.3 milyon sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) Program. Gayundin, ang DOLE ay nagbigay ng ₱6.4 milyong halaga ng tulong pangkabuhayan sa ilalim ng DOLE Integrated Livelihood Program (DILP).
Matapos pangunahan ang pamamahagi ng mga tulong na ito, nagtungo si Pangulong Marcos Jr. sa Pampanga Provincial Capitol upang pamunuan ang situation briefing kaugnay ng pagsasailalim ng Pampanga sa state of calamity dahil sa matinding mga pag-ulan na dulot ng mga nagdaang bagyo.
Kasama sa pulong na ito ang mga kawani ng mga piling ahensya at mga opisyales ng lokal na pamahalaan ng Pampanga.