Isinagawa ng Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon (DA RFO 3) sa ilalim ng Organic Agriculture Program (OAP) ang pormal na paggawad ng hauling trucks para sa mga napiling farmers’ cooperative associations (FCAs) nitong ika-29 ng Agosto sa DA RFO 3, Diosdado Macapagal Government Center, Maimpis, City of San Fernando, Pampanga. Ito ay pinangunahan ni DA RFO 3 Regional Executive Director Crispulo G. Bautista, Jr.
Ang nasabing hauling trucks ay bahagi ng project component ng mga napiling FCAs na benepisyaryo ng OAP Organic Agriculture Livelihood Project. Sa ilalim proyektong ito, isang FCA sa bawat lalawigan ng Gitnang Luzon ang makakatanggap ng tulong mula sa kagawaran na nagkakahalaga ng ₱5-milyon.
Ang proyektong ito ay naglalayong palakasin ang kabuhayan ng mga magsasaka sa pamamagitan ng pagpapalawak ng kanilang operasyon sa pagsasaka ng mga organikong produkto.
Isang hauling truck ang iginawad sa Botolan Muna Farmers Multipurpose Cooperative ng Zambales. Ito ay tinanggap ng kooperatiba sa pangunguna ng kanilang presidente na si Romualdo Ramos. “For the first time sa aming organisasyon, ngayon lamang kami nakatanggap ng ganitong ayuda. Thank you very much DA! Mahal na mahal mo talaga kaming mga farmer,” pahayag ni Ramos.
Samantala, dalawang hauling trucks naman ang tinanggap ng Sakalipunan ng mga Organikong Magsasaka ng Nueva Ecija sa pangunguna ng kanilang presidente na si Nina Resplandor. Aniya, “Isa po itong napakalaking opportunity na ibinigay ng DA sa amin lalong-lalo na ng Organic Agriculture Program. Isa itong programa na talagang makakatulong para sa mga maliliit na organikong magsasaka. Our business plan is for palay drying and storage so kailangan talaga namin ng hauling vehicle.”
Nagkakahalaga ang bawat hauling truck ng mahigit ₱1.5-milyon na magbibigay-daan para sa mas epektibong pagsasaka at sa paghahatid ng mataas na kalidad ng organikong produkto sa merkado.
Naging bahagi rin ng naturang aktibidad sina Regional Technical Director for Operations and Extension Eduardo L. Lapuz, Jr, Field Operations Division Chief Elma Mananes, Regional Organic Focal Person Marie Joy Daguro, Zambales Agricultural Program Coordinating Officer Gil David, Nueva Ecija District I and II Agricultural Program Coordinating Officer Analou Morelos, Nueva Ecija District III and V Agricultural Program Coordinating Officer June Lacasandile, Regional Agriculture and Fisheries Information Section Chief Ozanne Ono O. Allas, Zambales Provincial Agriculturist Crisostomo Rabaca, Nueva Ecija Acting Provincial Agriculturist Dr. Jovita Agliam, ABE, at iba pang kawani ng DA RFO 3.
#DAsaGitnangLuzonKatuwangsaPagAhon