Nagkasama-sama ang mga key players sa industriya ng gulay at legumbre sa isang makabuluhang pagtitipon na ginanap noong ika-31 ng Agosto sa Conference Room ng DA-RFO 3 sa Government Center Maimpis, Lungsod ng San Fernando, Pampanga.
Layunin ng pagtitipong ito na mapag-usapan ang kasalukuyang kalagayan ng produksyon ng gulay at legumbre, mga magsasakang nagtatanim at lugar ng produksyon nito, mga kasunduan at mga plano para sa kinabukasan.
Sa pagbubukas ng programa, ipinakilala ni Agriculturist II Glarissa Balbarez ang lahat ng mga kalahok na nagmula sa iba’t ibang sektor ng industriya.
Nasa 50 katao ang dumalo na binubuo ng mga magsasaka at kinatawan mula sa Office of Provincial Agriculture at Municipal Agriculture Office ng bawat lalawigan ng ikatlong rehiyon.
Nagbigay ng paunang pagbati ang High Value Crops Development Program Focal Person na si Engr. AB David. Kaniyang ipinabatid ang kahalagahan ng pagpupulong na ito sa pagpapalitan ng mga ideya at kaalaman upang mapabuti pa lalo ang produksyon at kalakalan.
Samantala, tinalakay at binigyang pansin ni Agriculturist II Balbarez ang tungkol sa Lowland Vegetable at Legumes Situations in Region 3 at sinundan ng paglalahad ni Agriculturist II Christine Joy Corpuz ukol sa Lowland Vegetables and Mungbean Profile in Central Luzon FY 2022-2023.
Sa naging mensahe ni Regional Technical Director for Operations and Extension Dr. Eduardo Lapuz Jr., pinasalamatan niya ang lahat ng dumalo sa kabila ng masamang panahon at hinikayat niya ang mga ito na maging aktibo sa pagbabahagi ng kanilang opinyon at kontribusyon para sa ikauunlad ng sektor.
Nagkaroon din ng pagkakataon ang mga kalahok na magtanong, magbahagi ng kanilang mga karanasan, at magbigay ng kanilang suhestiyon.
Sa tulong ng ganitong klaseng aktibidad, makakamit ang mas produktibo at mas maunlad na industriya ng gulay at legumbre sa hinaharap.
Sa kabuuan, ang pagpupulong na ito ay nagbigay daan para sa masusing talakayan at pagsasanib-pwersa ng mga stakeholder ng industriya ng gulay at legumbre.
#DAsaGitnangLuzonKatuwangsaPagAhon