Isinagawa ng Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon (DA RFO3) sa inisiyatibo ng Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) katuwang ang Valenzuela City Local Government Unit (LGU) ang pagbubukas ng KADIWA Outlet Store, noong ika-6 ng Setyembre, sa Ulingan West, Lawang Bato, Valenzuela City.
Pinangunahan ang pagbubukas ng KADIWA Outlet Store na ito ng Golden Beans and Grains Producers Cooperative ng Nueva Ecija sa pamumuno ni Cooperative General Manager Dr. Leonido Dela Cruz sa pamamagitan ng pag-aalok ng mga gulay na ani mismo ng kanilang mga miyembro.
Layunin ng kooperatibang ito na makapaghatid ng mga produktong mula sa agrikultura na tiyak at masisigurong malinis, dekalidad, ligtas, at abot-kaya para sa mga Valenzuelano.
Pasasalamat naman ang hatid ng Bise-Alkalde ng lungsod na si Lorena Borja para sa inisiyatibong ito.
“Maraming salamat po dahil napili ninyo ang lungsod ng Valenzuela para sa paglulunsad ng ganitong programa. Natitiyak ko po na maraming Valenzuelano ang matutuwa dahil marami po kayong matutulungan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga bilihing abot-kaya ng kanilang bulsa”, pahayag ni Borja.
Dagdag pa niya, malaking tulong din ito para sa mga mamimili dahil magkakaroon sila ng pagkakataong makabili ng mga produktong mas mababa ang presyo kaysa sa normal na market price bilang ito ang pangunahing layunin ng KADIWA program.
Dumalo rin sa programa ang Valenzuela City LGU personnel na sina Executive Assistant II Ma. Rosa Isabel C. Mateo, Office-in-Charge ng Cooperative Development Office Josephine P. Osea, at Senior Agriculturist ng AMAD DA RFO3 Menchie Nogoy.
#DAsaGitnangLuzonKatuwangsaPagAhon