Idinaos ng Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon ang Climate-Smart Farmer Business School Field Day at Graduation Ceremony ngayong araw, ika-22 ng Setyembre sa San Carlos, Paniqui, Tarlac.
Sinanay ang nasa 28 na magsasakang nagsipagtapos tungkol sa kahalagahan ng “Climate-Smart Farming” sa produksyon ng palay.
Ang aktibidad na ito ay nagbigay-diin sa pag-aaral ng produksyon ng palay, na isa sa mga pangunahing pananim sa rehiyon.
Karagdagan pa rito, may layunin din itong matulungan ang mga magsasakang maunawaan ang mga makabagong teknolohiya at estratehiya upang mapanatili ang kalidad ng kanilang ani sa kabila ng mga pagbabago sa klima.
Bilang kinatawan mula sa Rice Banner Program, inilahad ni Roger Pasetes ang kaniyang mensahe ng pasasalamat para sa mga nakatapos at naging bahagi sa Farmers Field School.
“Nagpapasalamat po kami sa lahat ng naging bahagi at sumuporta sa proyektong ito. Nawa’y hindi po rito matapos lamang, hangad po namin na sa pagdating ng araw, may magbalita sa inyo na gamit ang natutunan mula sa pag-aaral dito ay tumaas ang kanilang ani,” dagdag niya.
Sa pagtatapos ng aktibidad na ito, inaasahan na mas mapatatatag ang sektor ng agrikultura sa lalawigan ng Tarlac at maging inspirasyon ito sa iba pang komunidad na sumubok ng climate-smart farming.
Isa sa mga nakatanggap ng parangal at bibigyang-karangalan ay si Christian Lexsher Cainglet, isa sa mga magsasakang nagtapos mula sa nasabing programa.
“Ang aking natutunan dito ay sipag, tiyaga, diskarte at kaalaman. Sa tulong ng Climate-Smart Farmer Business School, natutunan natin ang wastong pag-aabono, tamang paraan ng pagpepestisidyo, at marami pang epektibong paraan,” sa pagsasalaysay ni Christian.
Base sa datos ng ahensiya, nasa kabuuang 20 technology demonstration site ang kasalukuyang isinasagawa ngayong taon.