Isinagawa ng Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon (DA RFO 3) sa pangunguna ng High Value Crops Development Program (HVCDP) ang Coffee and Cacao Stakeholders Meeting nitong ika-26 ng Setyembre sa DA RFO 3 Conference Room, Diosdado Macapagal Government Center, Maimpis, City of San Fernando, Pampanga.

Ito ay dinaluhan ng mga key player sa sektor ng kape at cacao tulad ng mga magsasaka, provincial HVCDP coordinators, at iba pang stakeholders.

Layunin ng pulong na ito na magbigay ng pagkakataon sa kanila na magbahagi ng kanilang mga kaalaman, karanasan, at mga hakbang na makatutulong sa pagpapabuti ng industriya ng kape at cacao.

Sa kanyang pambungad na mga pananalita, sinabi ni Regional HVCDP Focal Person Engr. AB P. David na sana ay magkaroon sila ng konkretong plano at matukoy nila ang mga gap na makikita sa mga presentasyon. Hangad niya na maging makabuluhan ang kanilang magiging talakayan.

Nagkaroon ng presentasyon ukol sa kasalukuyang kalagayan ng industriya ng kape at cacao sa rehiyon, kabilang ang mahahalagang datos hinggil dito. Ito ay sa pangunguna ni Agriculturist II Glarissa Balbarez ng HVCDP at Chief Statistical Specialist Arlene Torrico ng Philippine Statistics Authority Region 3.

Dito ay naipakita ang mga pangunahing aspeto ng industriya, tulad ng produksyon, pamilihan, at mga hamon na kinakaharap nito. Nakapagbigay ito ng malinaw na larawan sa mga stakeholder hinggil sa sitwasyon ng industriya, at nagbigay daan para sa masusing talakayan tungkol sa mga hakbang na dapat gawin upang mapabuti ito.

Naibahagi rin ang presentasyon tungkol sa Coffee and Cacao Value Chain Map sa pangunguna ni Component Planning Officer Maria Lourdes Maglanque ng Philippine Rural Development Project I-PLAN. Ang nasabing mapa ay nagpapakita ng buong sistema o proseso ng industriya mula sa produksyon hanggang sa makarating ang produkto sa mga mamimili. Ito ay nakatulong sa mga stakeholder na mas maunawaan ang buong sistema ng industriya.

Sa pagwawakas ng pulong, nagkaroon ng mga kasunduan at masusing pag-uusap hinggil sa mga plano para sa mas magandang kinabukasan ng industriya ng kape at cacao sa rehiyon. Ipinakita nila ang kanilang determinasyon na magtulungan upang makamtan ang mga layunin ng industriya, na naglalayong mapabuti ang kabuhayan ng mga magsasaka, mapanatili ang dekalidad ng produkto, at makatulong sa pag-angat ng ekonomiya.

#DAsaGitnangLuzonKatuwangsaPagAhon