Matagumpay na ipinagdiwang ng Kagarawan ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon (DA RFO III) ang selebrasyon ng World Rabies Day ngayong taon na may temang “All for 1, One Health for All!” nitong ika-28 ng Setyembre sa DA RFO III Conference Room, Diosdado Macapagal Government Center, Maimpis, City of San Fernando, Pampanga.

Pinangunahan ito ng Integrated Laboratories Division sa pamumuno ni DA RFO III Rabies Coordinator Dr. Milagros Mananggit at dinaluhan ng mga beterinaryo at kawani mula sa iba’t ibang provincial, city, at municipal veterinary offices ng Gitnang Luzon.

Naging mahalagang bahagi ng pagtitipon ang pagbabahagi ni Dr. Mananggit ng presentasyon kaugnay ng mga update ukol sa Animal Rabies Control Program.

EditCaption

Kaniyang tinalakay ang mga kaalaman tungkol sa rabies, mga probinsiya kung saan mataas ang banta nito, at mga kaso ng rabies sa Gitnang Luzon. Kasama rin sa kaniyang presentasyon ang pagsusuri sa Republic Act No. 9482 o kilala rin bilang Anti Rabies Act of 2007, mga bahagi ng National Rabies Prevention and Control Program, Key Strategies for Rabies Elimination o mga component ng STOP-R na ngangahulugang Socio-Cultural, Technical, Organizational/One Health, Policy and Legislative, at Resources, pati na rin ang mga mahalagang yugto at mga hamon sa programa laban sa rabies.

Nagpaunlak naman ng isang mensahe si DA RFO 3 Regional Technical Director Dr. Arthur Dayrit. Aniya, “Napakaganda po ng ating tema ngayon. Oneness, we are fighting and eliminating rabies as one. Let us strengthen our collaboration, equality, and health system against this highly fatal disease.”

Nagkaroon din ng presentasyon kaugnay ng paksang Human Rabies Program Updates and Collaborations si Department of Health Central Luzon Center for Health Development Rabies Coordinator Dr. Joseph Michael Manlutac.

Kasunod nito, ibinahagi naman ni Dr. Alyssa Marie G. Garcia, Project Veterinarian ng Japan International Cooperation Agency (JICA), ang mga tagumpay at aral sa ilalim ng Japan and Philippines One Health Rabies (JAPOHR) project.

Sa pagtatapos ng selebrasyon, nagkaroon ng paghirang sa mga natatanging veterinary office. Ito ang mga sumusunod: Best Provincial Veterinary Office in Rabies Prevention and Control Program – PVO Aurora; Best City Veterinary Office in Rabies Prevention and Control Program – CVO Palayan City, Nueva Ecija; Best Municipal Veterinary Office in Rabies Prevention and Control Program – MVO Sta. Maria, Bulacan; Best LGU in Rabies Surveillance with Remote Laboratory – PVO Bulacan; at Outstanding LGU Rabies Coordinator – Dr. Agatha Pauline de Leon of PVO Bataan.

#DAsaGitnangLuzonKatuwangsaPagAhon