Matagumpay na idinaos ng Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon ang 9th Regional Organic Agriculture Congress (ROAC) noong ika-27 hanggang ika-28 ng Setyembre, sa Nueva Ecija Convention Center, Palayan City, Nueva Ecija.

Layunin ng nasabing kongreso na maisagawa at magbigay ng isang plataporma para sa pagbabahagi at pag-aaral tungkol sa mga inobatibong kasanayan sa organikong pagsasaka, kabilang ang mga teknolohiya at mga estratehiya nito.

Sa panimula ng programa ay nagpahayag naman ng kaniyang mensahe para sa mga partisipante si Regional Executive Director Crispulo G. Bautista Jr.

“Ang pangunahing layunin ng programa nating ito ay makapagbahagi ng mga ideya at makatuklas ng mga makabagong teknolohiya para makatulong tayo sa pagpapalaganap at pagkakaroon ng hindi lang sapat kundi masustansiyang pagkain ang bansa dahil alam kong ‘yan ang produkto ng organic agriculture”, pahayag ni Bautista.

Ipinagmamalaki rin niyang ibinahagi sa programa na sa buong Gitnang Luzon, nasa 50% ng supply ng pagkaing nagmumula sa agrikultura ay nanggagaling sa probinsiya ng Nueva Ecija samantalang 20% ng supply naman sa buong bansa ay nanggagaling sa Central Luzon at 10% ng supply ng bansa ay nagmumula naman sa Nueva Ecija.

Bahagi rin ng programang ito ang paggawad ng 5 milyong-piso sa mga Organic Agriculture Livelihood Project kabilang ang Samahan ng mga Makakalikasang Magsasaka ng Aurora, Sakalipunan ng mga Organikong Magsasaka ng Nueva Ecija, Porac Farmers ARB Cooperative, Organic Farmers of District 6 Bulacan Incorporated, Anao Natural Integrated Farmers Association, Botolan Muna Farmers Cooperative, at Tapulao Multi-Purpose Cooperative.

Iginawad din ang Gender and Development Outstanding Rural Women kina Valen A. Pacol ng Nampicuan, Nueva Ecija bilang 2nd Runner-Up, Marife R. Fernandez ng Cabangan, Zambales bilang 1st Runner-Up, at Agrifina A. Gabres ng Maria Aurora, Aurora bilang itinanghal na GAD Outstanding Rural Women.

Nagkaroon din ng isang exhibit na nagpapakita ng iba’t ibang mga organikong produkto ng mga magsasaka at ang presentasiyon ng Organic Agricultural Plans ng bawat probinsiya ng Ikatlong Rehiyon.

Sa unang araw ng ROAC ay ginanap din ang Governors and Mayors Night and Cultural Dance Contest kung saan isa-isang nagpasiklab ang pitong probinsiya ng kani-kanilang mga cultural dance na nagpapakilala sa kanilang lugar, kagawian, at mga ipinagmamalaking produkto.

Itinanghal bilang nagwagi sa nasabing paligsahan ang mga organikong magsasaka mula sa probinsiya ng Nueva Ecija.

#DAsaGitnangLuzonKatuwangsaPagAhon