Matagumpay na naisagawa ng tatlong pribadong kumpanya sa tulong ng Kagawaran ng Pagsasaka (DA) ang Technology Demonstration of Various Biofertilizer noong ika-5 ng Oktubre, sa Brgy. Bonifacio, San Leonardo, Nueva Ecija.
Layunin ng aktibidad na ito na maipakita ang iba’t ibang mga fertilizer na maaaring gamitin sa mga pananim na palay na makatutulong sa pagpapataas ng ani at mas magandang kalidad ng pananim.
Katuwang ang Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon (DA RFO 3), Office of Provincial Agriculture (OPA), at Municipal Agriculture Office (MAO) ay naisagawa ang field day para sa nasabing aktibidad.
Ibinida ng tatlong pribadong kumpanya ang kani-kanilang bio-fertilizer na makatutulong sa mga magsasaka upang mas mapalago ang kanilang mga pananim.
Kabilang sa mga kumpanyang ito ang Bio Prime, Aldiz, at Longping.
Nagpahayag naman ng pasasalamat si David Catacutan, nagmamay-ari ng lupang-sakahan na ginamit para sa nasabing techno-demo.
“Maraming salamat po sa pagbibigay ng pagkakataong kagaya nito sa amin na mga magsasaka para po mas mapalago pa ang aming ani”, pahayag nito.
Lubos din ang pasasalamat ng iba pang mga magsasaka na dumalo sa aktibidad dahil nagkaroon umano sila ng pag-asa na sa tulong ng mga makabagong teknolohiyang ito ay may pagkakataon pang tumaas ang kanilang ani at kita sa pagpapalay.