Nakibahagi ang Good Agricultural Practices (GAP) Team ng Kagawaran Pagsasaka (DA) para sa Gitnang Luzon sa ikalawang taunang Philippine Good Agricultural Practices (PhilGAP) Symposium na may temang “Sa PhilGAP Wagi Ka, ang Makabagong Gawi sa Pagsasaka”.

Ang matagumpay na pagtitipon ay isinagawa sa Koronadal City, South Cotabato nitong ika-3 hanggang ika-5 ng Oktubre na pinangunahan ng Bureau of Plant Industry – Plant Product Safety Services Division (BPI-PPSSD) sa pamumuno ng hepe nito na si William F. Mugot at sa pakikipagtulungan ng DA Region XII.

Dinaluhan ito ng mahigit 300 kalahok na binubuo ng PhilGAP certified farm owners, exporters, stakeholders, at mga kawani ng DA mula sa iba’t ibang rehiyon.

Ang pagtitipon ay alinsunod sa pangunahing layunin ng BPI na itaguyod ang GAP sa buong bansa. Magbibigay ito ng inspirasyon sa mga pampubliko at pribadong sektor na lalong patibayin ang programa.

Sa mensahe ni BPI Director Gerald Glenn F. Panganiban, kaniyang binigyang-diin ang mahalagang layunin ng BPI-PPSSD sa mga serbisyong pang-regulasyon para sa pagsisiguro ng kalidad ng pagkain. Inilahad din niya ang mga positibong epekto ng PhilGAP at food safety.

Samantala, bilang panauhing tagapagsalita, iginiit ni DA Undersecretary for Special Concerns and for the Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao Engr. Zamzamin Ampatuan ang kahalagahan ng PhilGAP certification bilang isang pangunahing hakbang sa pag-unlad ng agrikultura sa bansa.

Naging bahagi ng pagtitipon ang pagbabahagi ng ilang PhilGAP certified farm owners ng kanilang karanasan at nagpatunay sa mga benepisyo na dulot ng programa ng PhilGAP. Binigyan din sila ng pagkilala sa nasabing pagtitipon at isa sa mga ito ang KALASAG Multipurpose Cooperative ng Gitnang Luzon na mula sa San Jose City, Nueva Ecija.

Upang higit pang mahikayat ang ibang magsasaka na sumali sa mga programa ng PhilGAP, ilang mga lokal na produkto na sertipikado ng PhilGAP at market linkages ang ipinakilala. Isa na rito ang Bausa Integrated Farm ng San Ildefonso, Bulacan sa pamumuno ni Luis Bausa, na isang modelo ng tagumpay sa pagsasagawa ng mga prinsipyo ng PhilGAP.

Naging bahagi rin ng symposium ang pagbisita ng mga kalahok sa dalawang sertipikadong farm ng PhilGAP, ang Tupi Research Outreach Station at Strawberry Guyabano o SG Farm.

#DAsaGitnangLuzonKatuwangsaPagAhon