Patuloy ang pamamahagi ng Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon (DA-RFO 3) ng indemnification payment sa mga poultry farm na tinamaan ng bird flu nitong Enero hanggang Hunyo ngayong taon.
Nasa Php 3.3-milyon ang kabuuang natanggap ng nasa 17 raisers noong ika-12 ng Oktubre sa DA RFO 3, Diosdado Macapagal Government Center, Maimpis, City of San Fernando, Pampanga.
Lubos naman ang naging pasasalamat ni Alfredo Del Rosario mula sa Pilar, Bataan sa kaniyang natanggap na tulong.
“Magagamit ko po ito bilang panimula muli sa aming pagkabuhayan na pag-aalaga ng itik. Maraming salamat sa DA kasi nandiyan po sila para tulungan kaming makabangon mula sa pinsala ng bird flu,” kuwento ni Del Rosario.
Nakabase ang nasabing aktibidad sa Department of Agriculture Administrative Order No. 37 series of 2020 with Subject: Guidelines for Granting Cash Assistance to Reportable Avian Influenza Affected Poultry Farms.
Ayon kay Agriculturist II Enrile Manio ng Regulatory Division, ito na ang ikatlong pagkakataon na nakapagbigay ng indemnipikasyon ang DA-RFO 3.
Nauna nang naipamahagi ang Php 21-milyong indemnification sa mga tinamaan ng birdflu sa unang bahagi ng taong 2022.
At sinundan ito ng Php 111-milyon sa ikalawang bahagi ng 2022 na kung saan ang Php 99.8-milyong halaga ay naibigay sa mga naapektuhang poultry sa bayan ng Minalin at Sto. Tomas, Pampanga.
Hinihikayat ng ahensiya na kaagarang mag-ulat ang mga apektadong poultry raisers hinggil sa pagkamatay o pagkapeste ng kanilang mga alagang hayop.
Sa pamamagitan nito ay maiiwasan ang pagkalat at pagkahawa sa bird flu ng mga magkakaratig na lugar.
Batay sa naitalang datos, marami sa mga naapektuhan ngayong taon ay mula sa lalawigan ng Pampanga, Bataan, at Bulacan na may mga alagang itik at pugo.
Ang programang depopulation at indemnification ay pinapangasiwaan ng Regulatory Division sa pangunguna ni Regulatory Division Chief Dr. Xandre Baccay, Agriculturist II Enrile Manio, Agriculturist I Dr. Arianne Bel Baluyut, at ng African Swine Fever-Avian Influenza Task Force ng DA RFO 3 Regulatory Division-Animal Health.
Katuwang din dito ang Provincial Veterinary Office at Lokal Government Offices ng Pampanga, Bulacan, at Bataan.