Tinanghal na kampeon ang kinatawan ng Gitnang Luzon sa ginanap na National World Food Day (WFD) Poster Making Contest ng Kagawaran ng Agrikultura (DA) noong ika-16 ng Oktubre sa Liwasang Aurora Stage, QC Memorial Circle, Diliman, Quezon City.
Kinilala si Ron Jairo Vizcayno ng Pampanga bilang isa sa limang nanalong mag-aaral sa nasyonal na lebel. Siya ay nakatanggap ng plaque of recognition at cash prize na Php 10,000.
Kasama niyang dumalo sa aktibidad ang kaniyang teacher coach na si Jay Fabian ng Pandacaqui Resettlement Elementary School at DA-RFO 3 Regional Information Officer Ozanne Ono D. Ocampo-Allas.
Ito ay taun-taong patimpalak na parte ng pagdiriwang ng World Food Day na isinasagawa ng DA. Ngayong 2023 ang tema ay “Water is Life, Water is Food. Leave No One Behind.”
Ang selebrasyon ng WFD ngayong taon ay magiging isang makabuluhang okasyon para sa lahat ng sektor ng lipunan upang magkaisa at maglaan ng pansin sa mahahalagang isyu tungkol sa kalusugan at seguridad ng pagkain.
Karagdagan pa rito, sa pagtutulungan ng DA at ng Department of Education, binibigyang diin ng poster-making event sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga likhang-sining ang kahalagahan ng pagtutok sa isyu ng tubig.
#DAsaGitnangLuzonKatuwangsaPagAhon
(Photos by DA-AFID)