Matagumpay na idinaos ang 7th Field Day ng Research Outreach Station for Hillyland Development (RSLL) ng Kagawaran ng Pagsasaka (DA) para sa Gitnang noong ika-15 ng Nobyembre sa Brgy. Porac, Botolan, Zambales.
Ito ay may temang “Nurturing the Potential of Agroforestry Farming Systems in Hillyland Areas through Effective Science and Technology-based Approach.” Layunin nitong magbigay inspirasyon at gabay sa pagsulong ng agrikultura sa mga bulubundukin o lugar na may maburol na topograpiya gamit ang agroforestry, sa pamamagitan ng makabagong siyensya at teknolohiya.
Dinaluhan ito ng mga magsasaka at mga kawani ng lokal na pamahalaan ng Zambales. Naimbitahan din dito ang mga mag-aaral ng President Ramon Magsaysay State University at Locloc National High School, kasama ng kanilang mga guro.
Sa pagbubukas ng programa, isang mainit na mensahe ng pagtanggap ang ibinigay ni ROS for Hillyland Development Station Manager Robinel Ocampo sa mga panauhin.
Sa kanyang mensahe naman, iginiit ni Research Division Chief Dr. Irene Adion ang kahalagahan at kagandahan ng tema ng Field Day na ito. Aniya, bagaman mayroon ng mga gawi at kasanayan ang mga magsasaka sa mga hillyland, maaaring paunlarin ang mga ito sa pamamagitan ng pagsasama ng mga bagong teknolohiya. Ang ganitong hakbang ay maaaring magsilbing solusyon sa ilang mga isyu sa pagsasaka sa mga lugar na may mataas na topograpiya, tulad ng mababang ani dulot ng hindi maayos na pangangasiwa ng fertility ng lupa.
“Kinikilala po namin ‘yung indigenous knowledge na sinasabi, pero mas maganda po kung pagsasamahin natin ang mga ito sa science at bagong teknolohiya, at tingnan po natin kung papaano natin mapapaunlad sa pamamagitan ng ating pagtutulungan,” wika ni Dr. Adion.
Samantala, ayon naman kay Regional Technical Director Dr. Arthur Dayrit, isa sa mandato ng ROS for Hillyland Development ang pagbuo at pagtuklas ng mga teknolohiya na angkop sa mga hillyland habang napapanatili ang kabutihan sa kalikasan. Ayon pa rito, laging bukas at handang magbigay tulong ang istasyon para sa mga magsasaka at mga stakeholder.
Naging bahagi ng programa ang isang station tour kung saan nasaksihan ng mga mag-aaral ang mga bahagi nito tulad ng organic urban garden, vermicomposting production area, at livestock project areas.
Nagkaroon din ng Crops and Livestock Technology Demonstration kung saan naging daan ito upang mapalawak ang kaalaman ng mga magsasaka sa modernong pamamahala ng sakahan at pangangalaga ng hayop.
Naging masaya rin ang kaganapan dahil sa mga palaro, paligsahan, at tagisan ng talino at kasanayan kaugnay ng pagsasaka gaya ng Dart Baloons, Cooking Contest, Vegetable Seed Identification, Forage Seedling Identification, at Quiz Bee. Ito’y nagbigay daan sa pagpapakita ng iba’t ibang aspeto ng agrikultura, nagpalawak ng kaalaman, at nagpalakas ng samahan sa pagitan ng mga magsasaka, kawani ng DA, at iba’t ibang sektor ng lipunan.
Sa pagtatapos ng aktibidad, ipinaabot ni Assistant Station Manager Engr. Matthew Mark C. Capillo ang kaniyang pasasalamat sa lahat ng mga dumalo at bawat isa na nagbigay ng kanilang kontribusyon para sa tagumpay ng aktibidad na ito.
Patuloy ang DA sa pagsulong ng mga programa at aktibidad na tulad Field Day upang mapalakas lalo ang sektor ng agrikultura. Bahagi ito ng layuning magbigay kaalaman at makabagong teknolohiya nang mapaunlad ang produktibidad at kabuhayan ng magsasakang Pilipino.