Sa pangunguna ng Research Outreach Station for Lahar Laden Development, idinaos ang ikatlong taunang Field Day sa Barangay Rabanes, San Marcelino, Zambales ngayong araw, ika-29 ng Nobyembre.

Ito ay may temang “Sustainable Agriculture: Transforming Lahar Areas into a More Productive through Effective Science and Technology-based Approach.”

Ang nasabing aktibidad ay naglalayong mapalaganap ang kaalaman at teknolohiya sa pagsasaka upang maabot ang layuning gawing produktibo at sustenable ang mga lahar na lugar.

Ang lahat ng mga hakbang na ito ay naglalayong makatulong sa mga magsasaka upang maabot ang mas magandang ani at dagdag kabuhayan.

Nabigyan ng pagkakataon ang mga dumalo na malibutan ang istasyon at makita ang mga bagong teknolohiya na kanilang isinasagawa.

Bilang panimula, nagbigay ng mainit na pagtanggap sa lahat ng dumalo ang Station Manager na si Robinel Ocampo.

“Ang pangarap po namin sa mga lahar areas ng Region 3 ay magkaroon po nang mas produktibo pang pamamaraan, mas effective na pamamaraan, upang sa gayon tayo’y makapag-ambag sa ating matagal na mithiin na magkaroon ng sapat, ligtas, at mababang presyo ng pagkain para sa mga Pilipino,” pahayag ni Station Manager Ocampo.

Sinundan naman ito ng mensahe ni Senior Science Research Specialist Lorna Rubion ng Research Division, Crop Protection Coordinator Efren Beserra ng Office of Provincial Agriculturist, Municipal Agriculturist Remin Sardo, Barangay Captain Conrado Soler ng Barangay Rabanes, at Farmer Director/Chairperson Onesimo Romano ng Regional Agricultural and Fishery Council.

Bukod sa mga makabuluhang talumpati, nagkaroon din ng Intermission Number mula sa mga mag-aaral ng Iram High School mula sa New Cabalan, Olongapo City at ilang kinatawan mula sa istasyon.

Nagkaroon din ng talakayan tungkol sa Crops Technology Demonstration na nagsilbing resource speaker ang Science Research Specialist II na si Mark Kevin Santiago.

Pagsapit ng hapon ay sinundan naman ito ng mga paligsahan tulad ng Dart Balloons, Cooking Contest, at Huli Mo Baboy Mo.

Tampok din ang awarding ng mga nagwagi sa mga paligsahan, kung saan pinarangalan ang mga natatanging nagpakita ng galing sa iba’t ibang kompetisyon.

Bilang pagtatapos ng aktibidad, nagkaroon ng Closing Message na pinangunahan ni Engr. Matthew Mark Capillo, Assistant Station Manager ng ROS Lahar.

Sa kabuuan, isa itong makabuluhang pagtitipon na naglalayong higit pang pagbutihin ang kalagayan ng agrikultura sa mga lugar na dating naapektuhan ng pagputok ng bulkan.

Nagbigay ito ng pagkakataon para sa mga magsasaka at mga kalahok na makapagpalitan ng mga ideya at teknik upang mas mapalago ang kanilang kabuhayan sa pamamagitan ng modernong agrikultura.

#DAsaGitnangLuzonKatuwangsaPagAhon