Sa pangunguna ng Research Outreach Station (ROS) for Lowland Development sa Paraiso, Tarlac City, idinaos ang 8th Field Day sa temang “Young Minds for Green Business: Empowering the Future of Agricultural Entrepreneurs” kahapon, ika-12 ng Disyembre.
Ang aktibidad na ito ay sinimulan sa isang Field Tour at sinundan ng pambungad na pananalita mula kay OIC-Station Manager Josephine Muñoz.
Nagbigay din ng mensahe ang Department of Agriculture Regional Field Office 3 – Regional Technical Director (RTD) for Research, Regulatory, and Integrated Laboratory Division Arthur Dayrit.
“We are hopeful na sana kapag pinursue ninyo ang college year ay kumuha kayo ng agriculture related course dahil maraming mga opportunities dito. Ang agriculture and fishery sector will prosper. Kung may kailangan po kayong teknolohiya, open po ang Department of Agriculture, ang aming mga research stations sa Region 3,” pahayag ni RTD Dayrit.
Isang mahalagang bahagi rin ng programa ang inspirational message mula sa guest speaker na si Awie Cancio, isang young agripreneur at Regional Young Farmer Awardee, kung saan nagbahagi siya ng kaniyang kaalaman at karanasan sa agrikultura.
“Isa po sa natutunan ko sa pagnenegosyo ay ang pagkakaroon ng idea o knowledge. Para maging entrepreneur, dapat ang pagbabago ay nagmumula sa atin, kailangan ang ating mindset ay nakapokus sa ating goal at objective sa business,” dagdag ni Cancio.
Kasunod nito, nagsagawa rin ng talakayan tungkol sa Mushroom Production Road towards Millions na pinangunahan ni Drew Carillo ng Carillo Kabute Food Products; Organic Integrated Farming to a Healthy Living ni Marilou Facun, isang Organikong Practitioner at Agripreneur; Paghahayupan, Pagkakaperahan ni Randy Valerio, isang Goat Farmer at Agripreneur; at Nursery Seedlings Production na binigyang pansin ni Angel Tulabut, isang Agripreneur.
Bukod sa mga seminar, nagkaroon din ng iba’t ibang paligsahan at laro tulad ng On-the-Spot-Poster-Making Contest, Farmers’ Quiz Bee, Students’ Quiz Bee, Native Pig Hunting, at mga raffle para sa lahat ng mga dumalo.
Dumalo rin sa aktibidad sina OIC-Chief ng Agribusiness and Marketing Assistance Division Dr. Maricel Dullas, Station Manager ng ROS for Upland Development Dr. Emily Soriano, Station Manager ng ROS for Lahar Laden Development at Hillyland Development Robinel Ocampo, Assistant Division Chief ng Research Division Ronaldo Angat, Assistant Station Manager ng ROS for Lowland Development Jacqueline Ledde, at Livestock Focal Person Dr. Agnes Uera.
Sa pagtatapos ng pagtitipon, nagbigay ng mensahe ng pasasalamat sa lahat ng dumalo ang Chief ng Research Division na si Dr. Irene Adion.
“Ang field day ay sino-showcase natin ang lahat ng mga output ng bawat research stations, salamat po sa lahat ng mga farmers at farmers organization, maging ang mga estudyante at eskwelahan na nakibahagi at naging katuwang namin para maging matagumpay ang araw na ito,” saad ni Chief Adion.
Sa kabuuan, nagdulot ang 8th Field Day ng hindi lamang kaalaman kung ‘di pati na rin ng inspirasyon sa mga kabataang nagnanais na pumasok sa larangan ng agrikultura at pagnenegosyo.