Sa pangunguna ng Kagawaran ng Pagsasaka (DA) at National Irrigation Administration (NIA), naganap ang makasaysayang seremonya ng Groundbreaking para sa Bayabas Small Reservoir Irrigation Project (Bayabas SRIP) noong ika-13 ng Disyembre sa Barangay Bayabas, Doña Remedios Trinidad (DRT), Bulacan.
Ito ay pinangunahan ng Kagawaran ng Pagsasaka na si Kalihim Francisco Tiu Laurel, Jr., Acting NIA Administrator Engr. Eduardo Eddie Guillen, kasama sina DA Regional Field Office 3 Regional Technical Director for Operations and Extension Dr. Eduardo Lapuz, Jr., OIC-Deputy Administrator for Engineering and Operations Sector concurrent Regional Manager, NIA Region 3 Engr. Josephine Salazar.
“Malaking karangalan na maibahagi ko ang proyektong tutugon sa inyong pangangailangan lalo na sa patubig. Bilang bahagi ng programang ‘Build Better More’ ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. naglaan po ng pondo ang pamahalaan para sa mga infrastructure na kabilang sa top priority ng sector ng pagsasaka, kasama rito ang Php 2.43-bilyon infrastructure project ng National Irrigation Administration,” saad ni Kalihim Laurel.
Saksi rin sa nasabing aktibidad sina Senior Deputy Executive Secretary Hubert Guevara, 3rd District Representative Congresswoman Lorna Silverio, DRT Mayor Ronaldo Flores, Provincial Agriculturist Ma. Gloria Carillo, at Agricultural Program Coordinating Officer – Bulacan Memito Luyun III.
Ang proyektong ito ay may layuning mapabuti ang suplay ng tubig para sa Angat Maasim River Irrigation System (AMRIS) lalo na sa panahon ng tag-init.
Isa ito sa solusyong inilatag ng NIA upang tugunan ang hamon sa kakulangan ng tubig mula sa Angat River na siyang ginagamit para sa pangunahing pangangailangan ng tubig sa Metro Manila at kalapit na probinsya, pati na rin sa patubig sa mga sakahan sa Bulacan at Pampanga.
Ayon sa datos, ang Bayabas Irrigation Project ay magbibigay ng bagong service area na 50 ektarya at makapagdaragdag ng existing pump system na sa 100 ektarya.
Dagdag pa rito, mag-aambag ito sa suplay ng tubig ng 27,241 ektarya na binibigay ng AMRIS sa 17 na bayan ng Bulacan at 4 na bayan ng Pampanga.
Nakatakda namang magsilbing daan ang proyektong ito upang maabot ang pangarap na maging self-sufficient sa bigas ang bansa, matugunan ang pangangailangan sa tubig ng mga magsasaka, at mapabuti ang kalagayan ng mga komunidad sa mga nasabing lalawigan.
Naniniwala si Kalihim Laurel na ang pagtutulungan sa sektor ng pagsasaka ang susi para makamit ang top priority ni Pangulong Marcos sa kaniyang 8-Point Socioeconomic Agenda, ang food security at rice self-sufficient.
“Ito’y tiyak na makapagpapataas ng ani at kita, hangarin po ng ating pangulo na pataasin ang antas ng pamumuhay ng mga magsasakang Pilipino, umaasa akong patuloy tayong magtulungan para palakasin ang agrikultura sa bansa. Ipagpatuloy po natin ang ating nasimulang matibay na pagsasama at kooperasyon para sa progresibong Pilipinas, para sa masaganang bagong Pilipinas,” dagdag ni Kalihim Laurel.
Ayon sa datos, ang nakalaang pondo para sa proyektong ito ay umaabot sa mahigit Php 2.43-bilyon.
Sa pangunguna ng NIA at suporta ng mga lokal na opisyal, inaasahang magdudulot ito ng positibong epekto sa sektor ng agrikultura at pangkabuhayan ng mga magsasaka sa nasabing lugar, pati na rin sa mga karatig na komunidad na umaasa sa tubig mula sa nasabing sistema.