Idinaos ng Kagawaran ng Pagsasaka (DA) sa pamamagitan ng Gender and Development Focal Point System ang 2023 DA Search for Outstanding Rural Women Awarding Ceremony noong ika-14 ng Disyembre sa BSWM Convention Hall, Elliptical Road corner Visayas Avenue, Diliman, Quezon City.
Ito ay naglalayong magbigay-pugay at kilalanin ang mga kababaihang patuloy na nag-aambag sa pag-unlad at pagsulong ng mga komunidad sa kanayunan.
Pinangunahan ang programa ni Undersecretary for Finance Agnes Catherine Miranda, na siya ring Tagapangulo ng Gender and Development (GAD) Focal Point System ng DA.
Sa kaniyang pagbati, ipinahayag niya ang kahalagahan ng papel ng mga kababaihan sa pagpapaunlad ng sektor ng agrikultura at sa pagsuporta sa ekonomiya ng mga komunidad sa kanayunan.
“Kinakatawan ng ating Search for Outstanding Rural Women 2023 National Awardees ang kuwento ng bawat kababayan sa kanayunan, ang kanilang matapang na pagharap sa diskriminasyon at iba pang hamon ng buhay, ang kanilang madiskarteng pagtugon sa nagbabagong klima, mga sakit at peste, at iba pang suliranin ng kanilang kabuhayan, maging ang kanilang pagbabahagi ng mga kaalaman, oportunidad, at inspirasyon,” pahayag ni Undersecretary Miranda.
Ginawaran si Agrifina Gabres ng Maria Aurora, Aurora, kinatawan ng DA para sa Gitnang Luzon ng special recognition bilang pagkilala sa kaniyang mahalagang kontribusyon sa larangan ng pagsasaka at pangingisda na nakapagbigay ng tulong sa paghahatid ng kaunlaran sa kanayunan.
Kasama ni Gabres ang GAD Focal Person ng DA Region 3 na si Dr. Milagros Mananggit at GAD Head Secretariat Rica Salas, Office of Provincial Agriculture – GAD Focal Person Joycelinda Reyes, Municipal Agriculturist ng Maria Aurora na si Wilson Candelario, at Agricultural Technologist Rina Tayoan.
Kasabay nito, kinilala bilang National Winner si Mylin Tayapad ng Misamis Oriental na nakatanggap ng Php 150,000 cash prize.
Sa pagtatapos ng seremonya, malaki ang pasasalamat ng DA sa lahat ng mga kababaihan na patuloy na nagsusulong ng kaunlaran sa kanayunan at inaasahang patuloy na magiging inspirasyon ang mga ito sa iba pang mga kababaihan upang magtagumpay at maging ehemplo sa kanilang mga komunidad.
#DAsaGitnangLuzonKatuwangsaPagAhon