Naging matagumpay ang ginanap na Vegetable Derby at Harvest Festival ngayong araw, ika-10 ng Enero sa Barangay Malacampa, Camiling, Tarlac.

Ito ay inisyatibo ng Tarlac Agricultural University (TAU) – SMART Agriculture Center katuwang ang Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon sa pamamagitan ng High Value Crops Development Program (HVCDP).

Apat na kumpanya tulad ng Allied Botanical Corporation, Enviro Scope Synergy Inc, Ramgo International Corporation, at Texicon Agri Venture Corporation ang tumanggap ng hamon sa Vegetable Derby sa ilalim ng greenhouse condition.

Ang mga itinanim na pananim ay ang red bell pepper, cherry tomato, sibuyas, lettuce, at pipino.

Sa nasabing aktibidad, nabibigyan ng pagkakataon ang bawat kumpanya na ibida ang kanilang kakayanan sa pagtatanim, klase, at kalidad ng kanilang mga binhi sa mga magsasaka at eksperto.

Ilan sa mga dumalo rito ay nagsuri at inihambing ang naging ani, resistensiya sa sakit, lasa, at anyo ng bawat produkto.

Samakatuwid, nakatutulong din ito sa pag-unlad ng agrikultura sa pamamagitan ng pagsusulong ng kompetisyon, inobasyon, at pagtutulungan ng industriya at mga magsasaka.

Bukod dito, nagsagawa rin ng pagsasanay sa pangunguna ng mga nasabing kumpanya para sa mga mag-aaral at magsasaka na nais matuto ng iba’t ibang makabagong teknolohiya sa pagtatanim.

Nasa 75 estudyante at limang magsasaka ang nakakumpleto at nakatapos ng pagsasanay.

Layunin nitong maitampok ang kahalagahan ng produksyon ng gulay at seed companies; magkaroon ng palitan ng ideya, impormasyon, teknik, at best practices; magbigay plataporma para sa ugnayan at kolaborasyon ng bawat stakeholder; at maituro sa mga mamimili ang tamang pagpili ng dekalidad na ani at produkto.

Dumalo sa nasabing aktibidad sina Israel Ambassador to the Philippines H.E. Ilan Fluss, TAU President Dr. Max Guillermo, Tarlac Governor Susan Yap, DA Regional Executive Director Crispulo Bautista, Jr., Field Operations Division Chief Elma Mananes, at HVCDP Focal Person Engr. AB David.  

#DAsaGitnangLuzonKatuwangsaPagAhon