Sa layuning mapalakas ang industriya ng mangga sa ikatlong rehiyon, nagsagawa ng social preparation ang Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon (DA RFO 3) ngayong araw, ika-24 ng Enero sa City of San Fernando, Pampanga.

Ang aktibidad na ito ay kaugnay sa preparasyon sa itatayong Mango Processing Facility at Learning Center sa Barangay Salaza, Palauig, Zambales.

Ito ay proyekto sa ilalim ng High Value Crops Development Program (HVCDP) katuwang ang Regional Agricultural Engineering Division (RAED).

Dumalo sa pagpupulong sina Regional Executive Director Crispulo Bautista, Jr., HVCDP Focal Person Engr. AB David, RAED Chief Engr. Elmer Tubig, Agricultural Program Coordinating Officer ng Zambales Jan Exequiel Soriano, Mango Stakeholders Association, Inc. President Enrico Batungbacal, Engr. Jeshiah Mercado, kinatawan mula sa Lokal na Pamahalaan ng Zambales, at mga magsasakang miyembro ng grupo.

Sa naging pambungad na pahayag ni Director Bautista, kaniyang binigyang diin ang kahalagahan ng pagtutulungan ng bawat isa para maging matagumpay ang proyekto.

“Ang hinihingi ko lang ay magkaisa tayo for the implementation para mabilis, maiwasan na madatnan ang mga contractor ng panahon ng tag-ulan. Sa mga beneficiaries, hoping na itong facility na ito ay alagaan ng mga stakeholder, mga mango growers, para ma-attain ang objective ng project na ito,” mensahe ni Director Bautista.

Nilalayon ng nasa Php 13.5-milyong halaga ng pasilidad na mapaunlad pang lalo ang sektor ng pagmamangga sa rehiyon at magbukas ng mga bagong oportunidad para sa ekonomiya ng Barangay Salaza at buong lalawigan ng Zambales.

#DAsaGitnangLuzonKatuwangsaPagAhon