Nagsagawa ang Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon ng isang pulong ukol sa market linkage sa pagitan ng mga onion grower, Farmers Cooperatives and Associations (FCAs), at institutional buyers, noong ika-1 ng Pebrero, sa Bongabon, Nueva Ecija.
Sa pangunguna ni OIC-Chief Dr. Maricel Dullas ng Agribusiness and Marketing Assistance Division o AMAD ay layuning mapag-usapan ang ugnayan sa merkado ng mga magsasaka ng sibuyas at mamimili na may kinalaman sa pagpepresyo nito.
Inilahad din ng mga institutional buyers ang kanilang mga pangangailangan katulad ng gaano karami, gaano kadalas ang pagbili, mga kalidad ng sibuyas na kailangan nila, at ang presyo ng kanilang pagbili.
Bilang mga potential buyers, dumalo rito ang Prime Global Corporation, Soro-Soro Ibaba Development Cooperative, Edsan Bagsakan Market, Agro-Digital PH, GTGF Food Corporation, Dizon Farms, SariSuki, at Mayani PH upang makipagkasundo sa mga magsasaka ukol sa pagpepresyo ng kanilang sibuyas.
Ibinahagi rin ng mga onion growers ang kanilang karanasan sa pagsasaka ng sibuyas partikular na ang hamon na dulot ng mga peste kagaya ng harabas.
Ayon sa kanila, isa ito sa mga dahilan kung bakit bumababa ang kanilang ani dahil sinisira nito ang kanilang mga pananim.
Kaakibat nito ay ang pagkakaroon din ng mababang presyo na inaalok sa kanila ng merkado upang ibenta ang kanilang mga ani.
Bilang tugon naman ng mga institutional buyers, nagkaroon ng price offer ang ilan sa mga ito sa kalagitnaan ng pulong na ikinatuwa naman ng mga magsasaka.
Dumalo rin sa pulong sina Agribusiness and Marketing Assistance Services (AMAS) Director Junibeth De Sagun, DA-AMAS Market Specialist II Cindee Piring at Leonie Baes, Acting Provincial Agriculturist ng Nueva Ecija Dr. Joebeat Agliam, at Municipal Agriculturist Jackielou Gallarde.