Isinagawa ng Kagawaran ng Pagsasaka (DA) para sa Gitnang Luzon ang FY 2023 Gulayan sa Paaralan Project (GPP) 4th Quarter Assessment cum FY 2024-2025 Planning Workshop nitong ika-20 ng Pebrero sa DA RFO 3 Conference Room, DMGC, Brgy. Maimpis, City of San Fernando, Pampanga. Ito ay pinangunahan ng High Value Crops Development Program.
Ang aktibidad na ito ay dinaluhan ng labing-siyam (19) na Schools Division Office (SDO) ng Gitnang Luzon. Layunin nitong pagtibayin ang mga hakbang upang mapalakas ang implementasyon ng GPP sa mga paaralan sa rehiyon.
Ibinahagi ni Regional GPP Focal Person Glarissa B. Balbarez ang FY 2023 GPP Status maging ang mga alituntunin sa pagbalangkas o paghahanda sa mga paaralang magiging benepisyaryo ng GPP sa mga susunod na taon.
Nagkaroon din ng pagbabahagi ng accomplishment report ang mga representante ng bawat SDO kaugnay ng implementasyon ng programa sa kani-kanilang na mga paaralan. Ipinakita rin nila ang mga highlight ng implementasyon ng GPP tulad ng magandang epekto nito sa komunidad, pagtataguyod sa good nutrition, community involvement, at school empowerment.
Kanila ring ibinahagi ang mga hamong kanilang kinaharap at kung paano nila natugunan ang mga ito. Ibinahagi rin nila ang ilan sa kanilang mga plano at programa kaugnay ng GPP.
Samantala, inihayag naman ni Department of Education Regional GPP Coordinator Crisel P. Viray ang kaniyang pasasalamat sa DA kaugnay ng magandang kolaborasyon nila rito sa paglulunsad ng programa. Nagpapasalamat din siya sa lahat ng tulong na naipagkaloob ng DA para maging sustenable at matagumpay ang pagsasagawa ng mga aktibidad kaugnay ng GPP.