Matagumpay na naisagawa ng Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon ang buwanang pulong ng Municipal Agriculture Office (MAO) at City Agricultural Office (CAO) noong ika-27 ng Pebrero, sa Espejo’s Mango Farm, Guimba, Nueva Ecija.
Ang pagpupulong na ito ay naglalayon na talakayin ang kalagayan ng agrikultura sa probinsiya ng Nueva Ecija, mga programa at proyektong isinasagawa, at mga hamon na kinahaharap ng mga lokal na magsasaka.
Pormal na nagsimula ang programa sa pamamagitan ng pagbibigay ng mensahe ng may-ari ng farm na si Rogelio Espejo, Jr., kung saan malugod niyang tinanggap ang lahat ng dumalo sa pulong.
Ilan sa mga naging sentro ng pulong ang mga usapin tungkol sa mga proyekto ng High Value Crops Development Program (HVCDP) at National Urban and Peri-Urban Agricultural Program (NUPAP), kalagayan ng pagbili ng bigas ng National Food Authority mula sa mga lokal na magsasaka, maging ang ilang mga pagbabago sa irigasyon at sa nagbabadyang kakulangan sa tubig kaugnay ng nalalapit na El Niño na tinalakay naman ng National Irrigation Administration.
Tinalakay rin dito ang mga paksa na may kinalaman sa mga programa ng Rice Competitiveness Enhancement Fund o RCEF, ilang pagbabago o updates sa mga programa ng Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA), mga paglilinaw sa listahan ng mga magsasaka na nakarehistro rito, at Geo Referencing ng mga lupang sakahan na rehistrado mula sa iba’t ibang bayan ng Nueva Ecija.
Kasama sa mga dumalo sa nasabing pagpupulong sina Regional Technical Director Dr. Arthur Dayrit, Focal Person ng HVCDP at NUPAP Engr. AB David, OIC-Chief ng Agribusiness and Marketing Assistance Division Dr. Maricel Dullas, at Focal Person ng RSBSA Alvin David.
Dumalo rin dito sina Nueva Ecija Acting Provincial Agriculturist Dr. Jovita B. Agliam, Municipal Agriculturist Nida L. Lanuza, Municipal Councilor Committee on Agriculture Pedro Estabillo, Tagapangulo ng Nueva Ecija Municipal and City Agriculturists Association (NEMCAA) Orlando Ramos, Municipal Mayor Jesulito E. Galapon, at mga kawani ng iba’t ibang bayan ng Nueva Ecija.