Tinatayang aabot sa mahigit Php 38-milyon ang halaga ng 20,000 Bags Capacity Onion Cold Storage Facility na pormal na tinanggap ng mga lokal na magsasaka ng New Hermosa Farmers Association (NHFA) sa isinagawang Turnover Ceremony sa Mabiga, Hermosa, Bataan, noong ika-7 ng Marso.
Ipinagkaloob ito ng Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon (DA RFO 3), sa ilalim ng High Value Crops Development Program (HVCDP), bilang bahagi ng kanilang inisyatiba na tugunan ang tumataas at lumalagong produksiyon ng sibuyas sa nasabing probinsiya.
Kabilang sa mga opisyales na dumalo sa naturang ceremonial turnover sina DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., Bataan Mayor Antonio Joseph Inton, DA RFO 3 OIC-Regional Executive Director Dr. Eduardo Lapuz Jr., Regional Technical Director Dr. Arthur Dayrit, Agribusiness and Marketing Assistance Division OIC-Chief Dr. Maricel Dullas, Assistant Secretary for Logistics Daniel Atayde, Bureau of Plant Industry Director Dr. Gerald Glenn Panganiban, NHFA Chairman Mark Felipe, Provincial Agriculturist Engr. Johanna Dizon, Municipal Agriculturist Vincent Mangulabnan, Bataan Agricultural Program Coordinating Officer Marilou Ramos, HVCDP Focal Engr. AB David, at iba pang kinatawan mula sa Bataan Local Government Unit.
May lawak na mahigit sa 86 na ektarya ang lupain ng NHFA, kung saan nasa 21 magsasaka ang miyembro nito na pinamumunuan ni Mark Felipe ang produksiyon ng mga pula at puting sibuyas, at iba pang high-value crops.
Nakatakda namang gamitin ng grupo ang naturang pasilidad upang mabawasan ang kanilang pagkalugi at gastos o post-harvest losses, habang pinananatili ang magandang kalidad ng aning sibuyas.
Ang Probinsiya ng Bataan ay isa sa mga tinatawag na “expansion” ng Gitnang Luzon pagdating sa pagpro-produce ng sibuyas, na nagsimula ang paglawak sa iba pang munisipalidad nito sa pamamagitan ng isang Onion Technology Demonstration na binuo sa Lungsod ng Balanga noong 2018.
Samantala, sa Bataan pa rin, sa pangunguna naman ng Pamahalaang Bayan ng Limay, pinaplano ngayon ang pagtatayo ng isang KADIWA Market at Trading Capital na nagkakahalaga ng aabot sa limang milyong piso sa Limay Municipal Park, Barangay Wawa.
Layunin nito na magbigay ng mga oportunidad sa mga lokal na magsasaka at mangingisda sa lugar, at mapatatag ang presyo ng mga produktong pang-agrikultura.
Gayundin, target ng proyektong ito na maging isang wholesale at retail market outlet na magiging direktang bentahan ng mga lokal na magsasaka at mangingisda ng kanilang produkto, na maaaring magresulta sa mas mataas na kita para sa kanila at mas abot-kayang presyo naman sa mga mamimili.
Ang planong ito ay bahagi ng pangmatagalang misyon ng Lokal na Pamahalaan ng Bataan na tiyakin ang sariwang pagkain para sa buong komunidad, kung saan magiging benepisyaryo nito ang nasa 28 Farmer’s Cooperative and Asssociations na binubuo ng mahigit sa tatlong libong magsasaka.
Sa pamamagitan ng KADIWA Market at Trading Capital na ito, inaasahan na mas mapagtatagumpayan ang pangangailangan pagdating sa sariwang pagkain, matulungan ang lokal na ekonomiya, at mapalakas pa ang ugnayan sa pagitan ng mga magsasaka, mamimili, at pamahalaan.