Pormal nang nilagdaan ng Kalihim ng Pagsasaka na si Francisco Tiu Laurel, Jr. ang Memorandum of Agreement (MOA) para sa proyektong “0 KM” o Limay Zero Food Kilometer Project, sa pangunguna ng Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon (DA RFO III) High-Value Crops Development Program (HVCDP), Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD), at 1Bataan Farms noong ika-7 ng Marso, sa Atrium Lobby, The Bunker, Balanga City, Bataan.
Isasagawa ang pag-aaral na ito sa Munisipalidad ng Limay na popondohan ng lokal na pamahalaan sa pakikipagtulungan ng Bataan Peninsula State University (BPSU) at Limay Polytechnic College.
Layunin nito na tukuyin ang supply at demand ng mahahalagang high-value crops, pagkonsumo ng mamimili, at ang kapasidad ng produksyon ng mga lokal na magsasaka at ang mga posibleng pagmulan ng mga kalakal na hindi maaaring gawin sa loob ng nasasakupan ng munisipyo sa Limay.
Ang “Analysis of Food Demand and Supply Structure in the Municipality of Limay,” na mas kilala bilang “Zero Kilometer Food Project” o “0 KM” ay sumasaklaw sa paggamit at pagkonsumo ng mga lokal na prutas, gulay, at iba pang produktong pagkain na hindi ginawa sa industriya at hindi pa nakalalayo o ang pagkain ay naglakbay ng zero (0) na kilometro bago ito kainin.
Kabilang sa mga lumagda sa nasabing MOA sina Limay Municipality Mayor Nelson David, Dr. Elmer B. De Leon, at Dr. Ruby S. Matibag.
Kasama sa aktibidad ang MOA Signing ng Limay Invests for Farmers’ Triumph o LIFT Project. Sa pakikipagtulungan ng Limay at MENSCH FIL-AM CORPORATION, sinuportahan ang kalidad ng produksyon ng high-value crops sa Munisipyo ng Limay, partikular para sa pilot production ng saging na lakatan, para sa pagpapatupad ng Proyekto na “LIFT Project”
Alinsunod sa nasabing proyekto, layunin nito na magbigay ng magandang kalidad ng mga produksiyon at suporta para sa teknikal at pangangailangan ng mga magsasaka.
Samantala, ito ay isasagawa sa pamamagitan ng pagtatanim ng pinya, saging na lakatan sa loob ng buong ektarya na nasasakupan ng munisipyo ng Limay. Magsisimula naman ang proyekto sa pagtatanim ng dalawampung (20) ektarya ng saging na lakatan.
Kabilang sa mga lumagda sa MOA sina Limay Municipality Mayor Nelson C. David at President and Chief Executive Officer Mensh Fil-Am Corporation Ms. Raquel Simon.
Nasaksihan naman ito nina Councilor Rosario Perez, DMD, Municipal Agriculturist Joselito Galicia, Mensch Fil-Am Corporation Mr. Carl Hochman, HVCDP team at ibang mga kawani ng Limay.