Matagumpay na naisagawa ng Kagawaran ng Pagsasaka (DA) para sa Gitnang Luzon, sa pangunguna ng Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD), ang pagbubukas ng nasa mahigit 30 Kadiwa Pop-up Stores sa Activity Center, Ayala Malls MarQuee Mall, Angeles City, Pampanga, noong ika-4 ng Marso.
Ito ay programang inilunsad ng naturang ahensiya sa pakikipagtulungan sa Gender and Development Focal Point System (GADFPS) bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Buwan ng Kababaihan ngayong Marso.
Tampok sa mga Pop-up Stores ang iba’t ibang produktong pang-agrikultura ng mga kababaihan tulad ng isda, itlog, gulay at prutas, gatas ng kalabaw, at iba pa, na mula pa sa pitong probinsiya ng Gitnang Luzon.
Kabilang sa mga agri-enterprises na dumalo sa naturang programa ang Agrifina Herbal Product, Louie’s Sweet Delicacies, Jam’s Food Products, Zuman Delight, Casiguran Farmers Agricultural Association, Binukawan- Bicol Marketing Cooperative, Mae’s Food Product, at Ruthy’s Food Products, na pawang mga exhibitors mula sa Aurora at Bataan.
Gayundin, kabilang din dito ang ilang mga negosyong pang-agrikultura mula sa Bulacan at Nueva Ecija, gaya ng Joyful Garden Organic Farm, San Jose Fish Product, Remiks FD Food Trading, Lito Rey Boneless Tinapa, Taho Cheesecake by Soya Co., Licab Rural Improvement Club Federation, Rural Improvement Club of Talavera, Castaneto’s Dairy Products, Laur Farmers Agriculture Cooperative, J&M Natural Blends, EDJE, at KAMPKO.
Bukod pa rito, naging bahagi rin nito ang Pansinao Parents Agriculture Association, Kaka Farmers Association, Bianang Delicacies, Dang-noy Smoked Fish, Federe’s Food Products, San Felipe Livestock Organic Farmers Association, Bangan Alamang Girls Association, Green Thumb, Zambales Coconut Farmers Association, Aling Juana Food Products, at Lovely’s Bed Sheets, na mula naman sa mga bayan ng Pampanga at Zambales.
Samantala, isang ribbon cutting din ang isinagawa bago ang programa, na pinangunahan nina Ayala Malls- MarQuee Mall General Manager Peachy Atendido, OIC- Regional Technical Director for Research, Regulations, and Integrated Lab Service Dr. Irene Adion, GAD Focal Person Dr. Milagros Mananggit, at 2023 Regional Outstanding Rural Women Agrifina Gabres, bilang hudyat ng opisyal na pagbubukas ng mga nasabing tindahan.
Sa kaniyang mensahe, ibinahagi ni Gabres ang kuwento ng kaniyang naging tagumpay at mga pagsubok na kinaharap bilang isang babae, na mula sa pagiging isang education graduate ay pinasok ang mundo ng pagsasaka.
“Kung hindi ko sinubukan, hindi ko malalaman kung ano ang mayroon ako sa kinabukasan. Kahit babae ako, napatunayan ko na kaya ko pala,” pagbabahagi ni Gabres.