Upang makapagrehistro pa ng mas maraming Agri-Fishery Enterprises (AFEs) sa Gitnang Luzon, isang oryentasyon at palihan o workshop ukol Farmers and Fisherfolks Enterprise Development Information System (FFEDIS) ang isinakatuparan ng Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) sa BFAR Conference Room, DMGC, Maimpis, Lungsod ng San Fernando, Pampanga noong ika-29 ng Pebrero.
Naging sentro ng talakayan sa naturang orientation-workshop ang planong pagtatayo o pagbuo ng mga FFEDIS registration desks sa mga provincial at municipal offices, nang sa gayon ay mas makapagpakalat pa ng mga tamang impormasyong may kaugnayan sa negosyong pang-agrikultura at pangisdaan.
Dinaluhan ito ng mga agriculturist personnel mula sa iba’t ibang probinsiya at bayan sa Region 3, gaya ng Aurora, Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac, at Zambales.
Samantala, sa pamamagitan ng oryentasyong ito, nabigyan ang lahat ng mga dumalo ng kani-kanilang FFEDIS account bilang pagsisimula ng pagrerehistro ng AFEs sa kanilang mga probinsiya.
Pinangunahan ang gawaing ito ni AMAD OIC-Chief Dr. Maricel Dullas, habang nagsilbi naman bilang resource person si National FFEDIS Focal Person Cristine Baldelomar.
Kasama rin sa dumalo si Regional Technical Director Dr. Arthur Dayrit, at Section Chief ng Agribusiness Industry Support Section Charito Libut.
Ang FFEDIS ay isang web-based information system na nabuo sa ilalim ng Republic Act 11321 o ang Sagip Saka Act, at idinesenyo upang maging kaagapay ng gobyerno sa pagbuo ng mga plano at programa para sa mga magsasaka at mangingisda, at naglalayong makapagrehistro at magbigay ng suporta sa mga ilulunsad o itatayo nilang negosyo.