Pormal na tinanggap ng San Vicente Alintutuan Irrigators Association ang Onion Cold Storage Facility mula sa Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon sa pamamagitan ng High Value Crops Development Program (HVCDP) noong ika-29 ng Pebrero sa San Vicente, Laur, Nueva Ecija.

Layunin nito na mabawasan ang gastos o post-harvest losses ng nasabing asosasyon. Karagdagan pa rito, napepreserba rin ang mga aning sibuyas at napapahaba lalo ang shelf life nito sa tulong ng pasilidad.

Nasa 20,000 buriki o sako ang maaaring ilagay sa nasabing imbakan ng sibuyas na nakapagpapanatili ng ganda at kalidad nito.

Samantala, labis naman ang kasiyahan ng 122 na kasaping magsasaka ng San Vicente Alintutuan Irrigators Association na may 170 ektarya na produksyon ng pula at dilaw na sibuyas nang ibahagi sa kanila ang proyekto dahil mas tatagal at mababawasan na ang kanilang pagkalugi sa sibuyas.

Isinagawa rin ang ribbon cutting na hudyat sa pagbubukas ng naturang pasilidad na nagkakahalaga nang mahigit sa Php 38-milyon, kasama ang 100 pallets at 1,710 na plastic crates na may halagang Php 1.6-milyon.

Kabilang naman sa mga dumalo sa naturang programa sina Assistant Secretary for Logistics Daniel Atayde, HVCDP National Director Gerald Glenn Panganiban, Ph.D., OIC-Regional Technical Director Dr. Irene Adion, Executive Assistanr to the Governor Atty. Ferdinand Abesamis, HVCDP Regional Focal Person Engr. AB David, Agricultural Program Coordinating Officer of District III & IV of Nueva Ecija June Lacasandile, Laur Municipal Agriculturist Alvin Agbayani, Acting Provincial Agriculturist Engr. Jovita Agliam, PhD., at San Vicente Alintutuan Irrigators Association Chairperson Erwin De Guzman.

Gayundin, isinagawa rin ang pagpirma ng Memorandum of Agreement upang mapagtibay ang kasunduan ng Kagawaran at ng Asosasyon.

#BagongPilipinas

#DAsaGitnangLuzonKatuwangSaPagAhon