Matagumpay na nailunsad ng Kagawaran ng Pagsasaka (DA) para sa Gitnang Luzon ang ika-17 National Rice Technology Forum (NRTF) noong ika-20 ng Pebrero, sa bayan ng Sto. Domingo, Nueva Ecija.
Katuwang ang Office of Provincial Agriculturist ng lalawigan ng Nueva Ecija at Municipal Agriculture Office ng Sto. Domingo, layunin ng aktibidad na makapagbigay ng bagong kaalaman at teknolohiya sa sektor ng pagsasaka, lalo na sa produksyon ng palay.
Alinsunod ang kaganapang ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. bilang tugon sa seguridad ng pagkain sa bansa sa tulong ng Masagana Rice Industry Development Program at Rice Industry Stakeholders.
Ang NRTF ay isang kolaborasyon ng National Government Agencies tulad ng DA at Agricultural Training Institute (ATI), Local Government Units, lokal na magsasaka, pribadong sektor, at mga eksperto sa pagsasaka.
Kasama sa mga napag-usapan at naipakita rito ang mga bagong pamamaraan sa pagtatanim, pag-aalaga, pagsasaka ng palay, paggamit ng drone para sa pagpapataba, at maging ang iba’t ibang magagandang barayti ng hybrid at inbred rice seeds.
Sa pamamagitan ng NRTF, naging mas malawak ang pagpapalitan ng kaalaman at ideya na makatutulong sa pagpapataas ng ani at kita ng mga magsasaka.
Nasaksihan at dumalo rito sina DA Assistant Secretary for Operations U-Nichols Manalo, Philippine Rice Research Institute Director John De Leon, DA OIC-Regional Executive Director Dr. Eduardo Lapuz, Jr., ATI Central Luzon Dr. Joey Belarmino, Provincial Agriculturist Dr. Jovita Agliam, Mayor Imee De Guzman, Municipal Agriculturist Emelita Flores, at Rice Board President Recher Ondap.
Bilang pagtatapos ng aktibidad, nagpahayag ng pasasalamat si OIC-Regional Executive Director na si Dr. Eduardo Lapuz, Jr. sa lahat ng dumalo at nag-ambag upang gawing matagumpay ang NRTF.