Naglunsad ang Kagawaran ng Pagsasaka (DA) katuwang ang DA Regional Field Office 3 sa pamamagitan ng High Value Crops Development Program at Regional Crop Protection Center (RCPC) ng isang masusing pagsusuri sa mga lugar ng produksyon ng sibuyas sa lalawigan ng Nueva Ecija.
Binisita ang mga munisipyo ng Rizal at Bongabon, Nueva Ecija, maging ang Kalasag Multipurpose Cooperative sa Barangay San Agustin, San Jose City, noong ika-31 ng Enero.
Ito ay pinangunahan ng ilang opisyal mula sa DA kabilang ang Director ng Bureau of Plant Industry na si Gerald Glenn Panganiban, Assistant Secretary Arnel De Mesa, Assistant Secretary Atty. Genevieve Guevarra, Assistant Secretary Daniel Atayde, OIC-Chief ng RCPC na si Trojane Soberano, at Agriculturist II Glarissa Balbarez.
Pinagtuunan ng pansin ang mga pamamaraan ng pagsasaka, kalagayan ng lupa, at iba pang aspeto na maaaring makaapekto sa produksyon ng sibuyas.
Isa rin sa napag-usapan ang tungkol sa pag-atake ng armyworm sa sibuyas kaya naman gumawa ng hakbang ang RCPC para kaagarang masolusyunan ito.
Bilang paunang depensa sa peste ay naglagay ng pheromone lure at nagsagawa ng technical briefing tungkol sa onion armyworm at mga dapat tandaan para maiwasan o mapuksa ito.
Inaasahan na sa ganitong paraan, ito ay makatutulong sa pagpapanatili at pagpapalawak pa ng industriya ng sibuyas sa nasabing mga lugar.