Isinagawa ang 17th National Rice Technology Forum sa bayan ng Sto. Domingo, Nueva Ecija noong ika-19 hanggang ika-21 ng Marso, kung saan layunin nitong talakayin ang food security ng bansa.
Pinamunuan ito ng Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon (DA RFO 3), sa tulong at koordinasyon ng Office of the Provincial Agriculturist ng Nueva Ecija, Local Government Unit ng Sto. Domingo at iba pang kasamahan ng Kagawaran tulad ng Rice Industry Stakeholders, sa ilalim ng Masagana Rice Industry Development Program, National Rice Program, at Regional Rice Banner Program.
Dito, iba’t ibang mga aktibidad ang isinakatuparan ng Kagawaran para sa tatlong araw na forum, kabilang ang isinagawang site visit sa mga demonstration areas sa Sto. Domingo na dinaluhan ng 29 na cooperators.
Gayundin, inilunsad rin ang TekTok o Technology Talk, kung saan nagkaroon ng makabuluhang talakayan patungkol sa iba’t ibang teknolohiya sa kasalukuyang panahon, at ang Tekno-Tiangge o Technology Marketplace na nilahukan naman ng mga kompaniya at opisina na nagtayo ng kani-kanilang mga booths kung saan ipinakita at ipinakilala nila ang mga teknolohiya at produkto sa mga dumalo sa forum.
Samantala, nagsilbi namang mga tagapagsalita sa naturang pagtitipon, na dinaluhan ng mga kinatawan at lokal na magsasaka mula sa iba’t ibang rehiyon ng bansa, sina ATI RTC III Director Engr. Joey Belarmino, DA-RFO 3 Regional Technical Director Dr. Arthur Dayrit, Acting Provincial Agriculturist of Nueva Ecija Dr. Jovita Agliam, President of Rice Board Recher Ondap, Regional SWAT Focal Oscar Carpio, Municipal Mayor of Sto. Domingo Imee De Guzman, Former Mayor of Peñaranda, Nueva Ecija Atty. Ferdinand “Blueboy” Abesamis, at ang Owner and CEO ng Precision Agriculture Corporation na si Anthony Tan.