Matagumpay na naisagawa ng Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon ang Turnover Ceremony para sa Solar-Powered Irrigation System (SPIS), noong ika-26 ng Marso, sa Barangay San Mateo, Arayat, Pampanga.

Ang nasabing SPIS ay ipinagkaloob sa Bayung San Mateo Association, Inc. sa pangunguna ng Corn Banner Program ng Kagawaran.

Tinatayang nasa ₱3,309,405 ang halaga nito na kayang magbigay ng tubig para sa 10 ektaryang sakahan.

Layunin ng SPIS na ito na makatulong sa pagbibigay ng tubig sa mga magsasaka upang masuportahan ang pangangailangan ng kanilang sakahan at pananim.

Sa pamamagitan ng proyektong ito ay makatitipid din ang mga magsasaka sa gastos dahil hindi na nito kinakailangan na gumamit pa ng krudo upang paganahin ang kanilang patubig, sa halip ay gagamit ito ng enerhiya mula sa sikat ng araw na magsisilbing electrical energy nito.

Dinaluhan ang programang ito nina OIC-Regional Executive Director Dr. Eduardo Lapuz, Jr., Regional Corn Banner Program Focal Person Melody Nombre, Pampanga APCO Gil David, Provincial Agriculturist Jimmy Manliclic, Administrator ng Municipal Office Akemi Manese bilang kinatawan ni City Mayor Maria Lourdes Alejandro, at lokal na pamahalaan ng Arayat.

Bilang kinatawan naman ng asosasyon, nagpaabot ng mensahe ng pasasalamat ang kanilang Chairperson na si Alejandro Cudia sa proyektong ipinagkaloob na ito ng Kagawaran at nangakong iingatan ito at titiyaking pakikinabangan ng kanilang asosasyon at iba pang magsasaka sa kanilang bayan.

#BagongPilipinas

#DAsaGitnangLuzonKatuwangsaPagAhon