Sa pangunguna ng Planning, Monitoring and Evaluation Division (PMED) ng Kagawaran ng Pagsasaka Gitnang Luzon ay isinagawa ang Presentation and Validation of Central Luzon Agri-Fisher Profile CY 2022-2023 nitong ika-3 ng Abril sa Savannah Resort Hotel, Clark View, Angeles City, Pampanga.

Ang magiging output ng aktibidad na ito ay magiging isang mabisang input sa mga Local Government Units at ng Kagawaran sa pagbubuo ng mga plano sa pagpapaunlad at mga kaugnay na patakaran para sa sektor ng agrikultura at pangisdaan.

Dumalo sa aktibidad sina Regional Technical Director for Research, Regulatory and Integrated Laboratories Division Dr. Irene Adion; PMED Chief Noli Sambo; mga kinatawan mula sa mga Banner Programs ng DA at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources at; mga kawani mula sa Provincial Agriculture Offices ng Gitnang Luzon.

Ilan sa mga naipresentang nilalaman ng Agri-fishery profile ay ang pangkalahatang impormasyon tungkol sa sektor ng agrikultura ng Gitnang Luzon tulad ng heograpikong lokasyon, demograpikong impormasyon at datos sa mga pangunahing produktong pang-agrikultura at pangisdaan makikita sa rehiyon.

Samantala, sa mensahe ni RTD Irene Adion ay nagpasalamat ito sa pagdalo ng mga kasosyo mula sa pitong lalawigan ng rehiyon dahil sila ang mas nakakaalam at magpapatunay ng mga tamang datos at impormasyon ng kanilang lugar.

Dagdag pa nito na mahalaga ang pagkakaroon ng datos dahil ito ang magpapatunay ng kasalukuyang estado ng sektor sa pagkamit ng seguridad sa pagkain ng bansa.

Inaasahan namang matatapos ang updating at magiging accessible bago matapos ang ikalawang quarter ng taon.

#BagongPilipinas

#DAsaGitnangLuzonKatuwangSaPagAhon