Sa pangunguna ng National Urban and Peri-Urban Agriculture Program (NUPAP) ng Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon, masayang ipinagdiwang ang “Harvest Festival at Graduation Ceremony para sa Lowland Vegetable Technology Demonstration” sa munisipalidad ng Orion, Bataan noong ika-4 ng Abril.
Layunin ng NUPAP na palakasin ang seguridad sa pagkain at magbigay suporta sa mga magsasaka at mamamayan sa mga kalunsuran o urbanisadong lugar.
Ang nasabing kaganapan ay isinagawa sa ginamit na modelong sakahan na may 2,000 sq.m. na sukat mula noong Disyembre ng nakaraang taon.
Tampok sa modelong sakahan na ito ang mga pamamaraan at kagamitan sa tamang pagtatanim ng mga gulay na maaaring umangkop sa lokal na kundisyon ng lugar gaya ng ampalaya, talong, kamatis, lettuce, sili, at iba pang lowland vegetables mayroon ding highland commodities katulad strawberries at repolyo.
Ang pag-aani sa mga ito ay hindi lamang naghatid ng katuwaan sa mga magsasaka kung hindi pati na rin sa mga taga-Orion.
Malugod namang ipinagkaloob ang mga sertipiko ng pagtatapos sa 32 nagsipagtapos sa tatlong buwang pagsasanay.
Nagbigay naman ng mensahe ng pasasalamat si Bataan Third District Board Member Romano L. Del Rosario bilang kinatawan ni Bataan Provincial Governor Jose Enrique S. Garcia III at si Lermaine Bautista bilang kinatawan ni Bureau of Plant Industry Director at concurrent Director ng High Value Crops Development Program at NUPAP Gerald Glenn F. Panganiban.