Nakibahagi ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang Local Government Units, Porais High School at mga magsasaka sa pagsasanay ukol sa Produksyon ng Gulay sa Hydroponics sa taong 2024.
Ang aktibidad na ito ay isinagawa sa pamamagitan ng Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon, sa ilalim ng National Urban and Peri-Urban Agriculture Program.
Nilalayon nitong magbigay ng karagdagang kaalaman at kasanayan sa mga magsasaka at iba pang sektor ng pamayanan upang mapalawak ang kanilang kaalaman sa modernong pamamaraan ng pagsasaka.
Magsisilbi rin itong instrumento sa pagpapalakas ng produksyon ng gulay sa bansa, lalo na sa mga urban at peri-urban na lugar kung saan limitado ang espasyo para sa tradisyunal na pagtatanim.
Ang pagsasanay ay idinaos sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Region 3 Conference Room, Lungsod ng San Fernando, Pampanga, at nagsilbing tagapagsalita si Greg Tusi ng Farmchild Agri Enterprises.
Ayon kay Tusi, ang hydroponics ay isang modernong paraan ng pagtatanim na walang lupa, kung saan ang mga halaman ay itinatanim sa isang solusyon ng tubig na mayroong mga kinakailangang nutrients.
Dagdag pa niya, ang ganitong sistema ay nagbibigay ng mas mabilis na paglago ng mga halaman at mas mataas na ani kumpara sa tradisyunal na pagsasaka.
Ang naturang aktibidad ay parte ng naibigay na hydroponic kit sa mga benepisyaryo na may nilalamang isang growbox high quality plastic tub, walong piraso ng 43.3mm Netpot widelip, 250 grams set ng Masterblend hydroponics formula, 100 cubes ng horticulture foam, lettuce seeds by Enza Zaden, at isang piraso ng plastic germination box.