Sa pangunguna ng Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) ng Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon (DA RFO 3), isinagawa ang “Assessment and Planning Workshop of Municipal Food Terminals, Barangay Food Terminals, and Organic Trading Posts” nitong ika-2 hanggang 3 ng Mayo, sa Redd Manor Hotel, Dolores, City of San Fernando, Pampanga.

Layunin ng aktibidad na magbigay ng impormasyon sa kasalukuyang kalagayan ng mga market-related infrastructure na itinayo sa mga lalawigan.

Kabilang dito ang mga Municipal Food Terminal (MFT) na lugar kung saan nagkakaroon ng pagtitipon at pagbenta ng mga produkto ang mga magsasaka sa bayan, mga Barangay Food Terminal (BFT) na nag-aalok ng direktang koneksyon sa pamilihan sa mga magsasaka sa barangay upang magkaroon ng murang pagkain sa komunidad, at mga Organic Trading Post (OTP) na isa sa mga paraan upang mapalakas ang pagtanggap at pagsasagawa sa organikong pagsasaka.

Ang mga MFT at BFT ay sinimulang itatag noong taong 2006 habang ang mga OTP ay itinatag noong taong 2011.

Ang aktibad ay dinaluhan ng mga operator mula sa 14 na samahan ng mga magsasaka sa bawat lalawigan ng rehiyon. Ibinahagi nila ang kanilang mga naging karanasan sa pagpapalakad ng mga market-related infrastructure na ito na hanggang sa ngayon ay nag-ooperate pa.

Pinuri ito ni AMAD OIC-Chief Dr. Maricel Dullas na dahil sa tagal ng panahon ay kanilang napanatili ang operasyon ng proyektong naipagkaloob sa kanila. Aniya, kanilang pag-aaralan kung paano ito itutugma sa mga programa ng ahensya ngayon.

Naniniwala naman OIC-Regional Executive Director Dr. Eduardo L. Lapuz, Jr. na mahalagang maibahagi ng mga matatagumpay na operator ang kanilang mga pamamaraan upang maging gabay para sa iba. “Ang DA po ay laging handang tumulong at magbigay assistance sa mga asosasyon o kooperatiba na tinutulungan ang kanilang mga sarili upang mapaunlad ang kanilang kabuhayan,”dagdag pa nito.

Samantala, kabilang din sa mga dumalo ang mga Provincial Agribusiness Coordinator na nagbahagi naman ng ulat patungkol sa kasalukuyang kalagayan ng mga BFT, MFT, at OTP sa mga lalawigan.

Pagkatapos ay nagkaroon ng pagpaplano ng mga aktibidad at posibleng interbensyon tungo sa pag-unlad ng mga nasabing proyekto o imprastruktura.

#BagongPilipinas

#DAsaGitnangLuzonKatuwangsaPagAhon