Matagumpay na nagsagawa ng pagsasanay ang Integrated Laboratories Division (ILD) ukol sa bagong bersyon ng International Organization for Standardization/International Electrotechnical Commission (ISO/IEC) 17025 noong ika-21 hanggang 22 ng Agosto sa El Vistra Hotel, Angeles City, Pampanga
Ang pagsasanay ay tumutukoy o nakapokus sa mga General Requirements for the Competence of Testing and Calibration Laboratories.
Ang layunin ng pagsasanay ay upang magbigay ng kaalaman sa mga pinakabagong pamantayan at mga kinakailangan para sa mga laboratoryo upang mapabuti ang kanilang operasyon at kalidad.
Sa kaniyang pambungad na pananalita, binigyang-diin ni ILD Chief Dr. Milagros Mananggit ang kahalagahan ng pagsunod sa mga internasyonal na pamantayan para sa pagtuloy na pag-unlad at pagsasaayos ng mga laboratoryo.
Samantala, nagpahayag naman si Regional Technical Director para sa Research, Regulations, at Integrated Laboratory Services Dr. Irene Adion ng mensahe sa mga dumalo na isabuhay ang mga bagong kaalaman at pamantayan sa kanilang mga gawain.
Nagsilbing pangunahing tagapagsalita ng programa si Engr. Aldwin Tagapan, Ch.E. at nagbigay ng detalyadong paliwanag at mga kaalaman ukol sa bagong bersyon ng ISO/IEC 17025.
Ang kaniyang malalim na kaalaman at karanasan ay nagbigay linaw sa mga komplikadong aspeto ng pamantayan, na nagbigay-daan sa mas mahusay na pag-unawa ng mga kalahok.
Ang mga kalahok sa pagsasanay ay binubuo ng nasa 60 katao, na kinabibilangan ng mga laboratoryo at teknikal na tauhan mula sa iba’t ibang seksyon ng ILD.