TIGNAN || Inilunsad ang profiling ng mga Rice-Onion Farmers sa San Jose City, Nueva Ecija noong ika-5 ng Setyembre.
Ang proyektong ito ay bahagi ng “Upscaling of Recommended Rice-Based Onion Production Management Strategies and Protocol in Selected Areas in Central Luzon,” na naglalayong pahusayin ang kaalaman ng mga magsasaka sa pagpapalay at pagsisibuyas, at magbigay ng karagdagang impormasyon tungkol sa mas epektibong pamamahala ng mga peste at sakit. Upang maging angkop ang mga bahagi ng proyekto, isinasagawa ang profiling ng mga magsasaka sa mga lugar na nagtatanim ng sibuyas at bigas sa Central Luzon.
Dumalo sa aktibidad sina Mr. Ronaldo Angat, R4DD Assistant Chief; mga kawani ng Pagsasaka mula sa bayan ng San Jose City; at mga piling magsasaka mula sa mga rice-onion areas, sa pangunguna ni Mr. Francisco Dantes, City Agriculturist.
Layunin ng proyektong ito na makakalap ng sapat na impormasyon, mailarawan ang iba’t ibang gawi sa bukid o “farming practices” mula sa produksyon hanggang sa merkado, kabilang ang kanilang mga gastusin at mga input na ginamit, pati na rin ang mga problemang naranasan sa pagpapalay at pagsisibuyas.
Ang proyekto ay may apat na pangunahing bahagi: Key Informant Interviews (KIIs), Questionnaires, Participatory Rural Appraisal (PRA), at Focus Group Discussion (FGD). Sa tulong ng mga ito, naipahayag ng mga magsasaka ang kanilang mga pangunahing problema sa pagsasaka, tulad ng peste at sakit, merkado o middleman, problema sa lupa, at puhunan.
Nagsasagawa din ng katulad na mga aktibidad sa mga bayan ng Talavera, Bongabon, at Gabaldon, Nueva Ecija, pati na rin sa ibang karatig na probinsya gaya ng Moncada, Tarlac, sa susunod na taon. Ang proyekto ay pinondohan ng Department of Agriculture-Regional Field Office III Research for Development Division at inaasahang makukumpleto sa Abril 2025.