Nagtipon-tipon ang mga miyembro ng Regional Management Committee (RMC) ng Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon (DA RFO III) sa ginanap na 1st quarter meeting noong ika-2 ng Abril. Pinangunahan ito ni RMC Chairperson at DA RFO III Regional Executive Director Dr. Eduardo L. Lapuz, Jr.
Bilang panimula ng pagpupulong, muling binasa at sinuri ang minutes of the meeting ng nakaraang RMC Meeting upang itama at aprubahan ang anumang bahagi ng dokumento bago tuluyang ipresenta ang mga nakasaad sa agenda.

Isa sa mga unang tinalakay ay ang update sa pagpapatupad ng FY 2024 Small Scale Composting Facility. Tinalakay ni Engr. Oscar O. Carpio, Soil and Water Officer ng Bureau of Soils and Water Management (BSWM), ang estado ng proyekto at mga lugar kung saan ito ipinatutupad. Binanggit niya ang mga isyung kinahaharap gaya ng mabagal na pagproseso ng mga dokumento at koordinasyon sa mga LGU, gayundin ang kahalagahan ng tamang pagsunod sa mga teknikal na pamantayan.
Sumunod na inilahad ang update ng National Meat Inspection Service (NMIS) Region 3 kung saan tinalakay ni Dr. Isagani Julius Rodrigo ang mga aktibidad para sa meat safety, kabilang ang mga pagsasanay, inspection, at accreditation ng mga meat establishments. Binanggit din niya ang mga naging hamon sa implementasyon ng mga regulasyon, partikular sa mga malalayong lugar.
Kasunod nito, tinalakay sa pagpupulong ang mga inisyal na alokasyon ng binhi at abono para sa nalalapit na wet season ng 2025. Ayon kay Regional Seed Program Coordinator Christian Ramos, ang distribusyon ng mga binhi, kabilang ang inbred at hybrid rice ay nakatakdang simulan sa mga susunod na buwan. Ipinabatid din na may sapat na supply ng binhi at may koordinasyon na sa iba’t ibang ahensya para sa maayos na distribusyon.

Para naman sa abono, tanging mga benepisyaryo ng ilang programa gaya ng hybrid rice ang kwalipikado, kasabay ng pagpapatupad ng mga stratehiya tulad ng adaptive balanced fertilization.
Ibinahagi naman ni Senior Science Research Specialist I Merlinda Ramento ng PhilMech ang kasalukuyang antas ng mekanisasyon sa pagsasaka ng palay sa bansa batay sa 2022 data, kung saan nakapagtala ang Pilipinas ng 2.68 horsepower per hectare.
Sa Gitnang Luzon, bagamat marami nang naipamahaging makinarya, kinakailangan pa rin ng karagdagang suporta dahil sa lawak ng taniman sa rehiyon. Tinalakay rin ang post-production losses ng piling pananim, kabilang ang palay na may halos 14% pagkalugi mula sa harvesting, drying, milling, at hauling. Ayon sa PhilMech, malaki ang bahagi ng losses sa drying at milling, kaya’t binigyang-diin ang pangangailangan para sa mas maraming mechanical dryer upang matugunan ang kakulangan lalo na tuwing panahon ng anihan.
Ipinresenta naman ni Regulatory Division Chief Dr. Xandre Baccay ang mga update hinggil sa African Swine Fever (ASF) at Avian Influenza (AI) Virus sa rehiyon. Ang mga bagong impormasyon ay naglalaman ng mga hakbang na ginagawa ng mga awtoridad upang kontrolin ang pagkalat ng mga virus at suportahan ang mga apektadong hog raisers at poultry farms.
Kasunod nito ay nagbigay ng update ang National Food Authority (NFA) Region 3 sa mga kasalukuyang programa at proyekto nito. Ayon kay Jeoffrey Paraton, ang bagong Regional Manager ng NFA Region 3, patuloy ang kanilang hakbang upang mapabuti ang imbentaryo at distribution ng bigas sa rehiyon. Sa kasalukuyan, mayroong 1.7 milyong sako ng palay at 91,000 sako ng bigas na nakaimbentaryo, sapat para sa 13 araw. Aniya, patuloy ang pamimili ng palay mula sa mga lokal na magsasaka at may plano ring i-modernisa ang mga pasilidad ng NFA sa rehiyon kabilang ang rehabilitasyon ng mga warehouse at pagtatayo ng mga bagong bodega. Kasama rin sa mga hakbang ang pagpapadala ng bigas sa National Capital Region upang matugunan ang mga food security concerns.

Sa pangunguna naman ni Acting Operations Chief Ferdinand De Guzman ng National Irrigation Administration (NIA) ng Rehiyon 3, inilahad ang mga update para sa mga proyekto at aktibidad ng irigasyon para sa taong 2025. Kabilang dito ang mga target na taniman at mga proyekto ng irigasyon upang masiguro ang patuloy na pag-unlad ng sektor ng agrikultura.
Sa mga proyekto para sa 2023-2025, nakalaan ang ₱16.35 bilyon para sa 576 proyekto. 326 proyekto ang natapos noong 2023 at 250 proyekto noong 2024. Patuloy ang mga proyekto ngayong taon na nakatutok sa rehabilitasyon at pagpapabuti ng mga pasilidad ng irigasyon, pati na rin ang mga inisyatiba upang makapag-adapt sa epekto ng pagbabago ng klima. Layunin din ng NIA na maibalik ang 252.06 ektarya ng irigasyon at makapagtayo ng 19.02 kilometro ng mga bagong kanal.
Sa huling bahagi ng pagpupulong, tinalakay din ng mga kinatawan mula sa Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) ang kanilang mga programa.
Ibinahagi ni PCIC Region 3 Regional Manager Julius Batengga ang kanilang regional accomplishment noong 2024 kung saan nakapag-insure ang PCIC ng 126,879 na magsasaka mula sa limang lalawigan sa rehiyon (Bataan, Bulacan, Pampanga, Tarlac, at Zambales), na may kabuuang saklaw na 193,622 ektarya. Ang kabuuang halaga ng subsidyong ipinagkaloob ng gobyerno ay umabot sa 314 milyong piso. Sa unang tatlong buwan ng 2025, nakapag-insure ang PCIC ng 28,856 na magsasaka na may government premium subsidy na 62.95 milyon.
Samantala, ibinahagi rin ni PCIC 3A OIC-Regional Manager Gerlie Gregorio, na kumakatawan sa mga lalawigan ng Nueva Ecija at Aurora, ang mga kanilang mga tagumpay. Ayon kay sa kanya, nakapag-insure sila ng 75,626 na magsasaka sa ilalim ng RSBSA program, na umabot sa 100% ng kanilang target. Gayundin, nakapagbigay sila ng 124.97 milyong piso na premium subsidy sa mga magsasaka sa ilalim ng Agri-Agra Program.
Ipinagmalaki rin niya ang mga serbisyong pangseguro na kanilang inaalok, kabilang na ang Credit and Life Term Insurance, na maaaring magbigay ng proteksyon sa mga aksidente at natural na kamatayan, at nagbigay ng halimbawa ng isang magsasaka mula sa Nueva Ecija na nakatanggap ng 52,000 pisong indemnity mula sa insurance program matapos malagay sa panganib.
#BagongPilipinas
#DAsaGitnangLuzonKatuwangSaPagsulong