Matagumpay na naisagawa ang kauna-unahang Provicial Agriculture and Fisheries Council (PAFC) Summit sa pangunguna ng Office of the Provincial Agriculturist ng Nueva Ecija (OPA-Nueva Ecija) noong ika-29 ng Mayo, 2025 na ginanap sa Convention Center ng Lungsod ng Palayan, Nueva Ecija.

Isa sa pangunahing layunin ng summit na ito ay mapakinggan at pagtuunan ng pansin ang mga saloobin, hinaing, at karanasan ng mga magsasaka sa probinsya. Mga sentimyento na hindi nila mawari kung paano lalabanan, kaya’t ang unang hakbang ay ang makinig at magsama-sama upang magsimulang humanap ng solusyon.

Ang nasabing summit na ito ay dinaluhan ni Farmer Regional Executive Director (FRED) Onesimo O. Romano, Provincial Agriculturist, Dr. Jovita Agliam, PAFC Chairman, Orlando Corpuz, Agricultural Program Coordinating Officer, Analou Morelos, mga kinatawan mula sa Municipal Agriculture Office ng Nueva Ecija at mga magsasaka mula sa apat na distrito ng probinsya ng Nueva Ecija.

Sinimulan ang PAFC summit sa isang mensahe mula kay FRED Onesimo O. Romano kung saan ay nagpaabot siya ng pasasalamat mula sa magsasaka ng Nueva Ecija na nakiisa at dumalo sa summit.

Nagkaroon rin ng iba’t ibang presentasyon mula sa mga naimbitahang mga panauhing pandangal, kung saan ay tinalakay ang patungkol sa Itik Pinas, Powering the Future: Solar-driven Irrigation Innovation para sa Sustainable Agriculture, iba’t ibang credit programs, clearance para sa domestic transport ng mga produktong pang-agrikultura, basic fresh water fish agriculture at efficiency sa catfish hatchery, nursery at grow-out system.

Umabot sa humigit-kumulang 336 katao ang dumalo sa nasabing summit, kabilang na rito ang buong partisipasyon ng Municipal Agriculture and Fisheries Council (MAFC) at Barangay Agriculture and Fisheries Council (BAFC).

#BagongPilipinas

#DAsaGitnangLuzonKatuwangSaPagsulong