Matagumpay na naisagawa ang ikatlong RAFC Central Luzon Executive Committee Meeting cum Farmer Regional Executive Director Exit Conference sa pangunguna ng Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon – Regional Agriculture and Fishery Council (DA-RAFC) noong ika-30 ng Mayo 2025, sa Sierra Madre Suites, Palayan City, Nueva Ecija.
Ang RAFC Exit Conference na ito ay pormal na binuksan ni Farmer Regional Executive Director Onesimo O. Romano sa pamamagitan ng pambukas na mensahe.
Ang exit conference na ito ay naglalayong balikan ang mga nagawang hakbang, tukuyin ang mga hamon, at pag-usapan ang mga estratehiya para sa mas epektibong pamamahala sa agrikultura at pangisdaan sa ilalim ng pamumuno ni Farmer Regional Executive Director (FRED) Onesimo O. Romano.
Dagdag pa rito, nagsilbi ang aktibidad na ito bilang isang pagkakataon upang pag-isahin ang mga natuklasan mula sa mga isinagawang field validation, konsultasyon, at mga talakayan sa patakaran na isinagawa sa buong buwan ng Mayo 2025.
Kabilang din sa tinalakay sa isinagawang conference ang rekomendasyon ng National Irrigation Administration (NIA) patungkol sa pagpapalakas ng polisiya upang itaas ang katatagan, kahusayan, at proteksyon ng yamang tubig.
Dagdag pa rito, upang tugunan ang lumalalang isyu ng kakulangan sa tubig at mapabuti ang paggamit nito sa sektor ng agrikultura, inirekomenda sa mga Pamahalaang Panlalawigan at Lokal (PLGUs) sa rehiyon ng Gitnang Luzon ang mas pinaigting na promosyon at pagpapatupad ng drip irrigation systems. Ang rekomendasyong ito ay layong isulong ang drip irrigation systems, lalo na sa mga lugar na nakararanas ng matinding epekto ng pagbabago ng klima at tagtuyot.
